Love story ni Manny at Jinkee katulad ng kay Matteo at Sarah, Mommy D tutol kay Jinkee noon

  • Manny Pacquiao, inihalintulad ang love story nila ni Jinkee kina Sarah at Matteo
  • Tutol daw noon si Mommy Dionisia na pakasalan niya si Jinkee
  • Pinayuhan ni Manny sina Sarah at Matteo na patunayan sa kanilang mga magulang na hindi sila nagkamali ng desisyon na pakasalan ang isa’t isa

Ibinida ni Senator Manny Pacquiao sa panayam sa kanya sa DZMM Teleradyo na ang love story nila ni Jinkee ay maihahalintulad sa nangyari sa kuwento ng pag-ibig nina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo na ang kasal kamakailan lang ay naging kontrobersyal.

Imahe mula sa Inastagram accounts nina Manny Pacquiao at Sarah Geronimo

Sabi ni Manny, tutol ang nanay niyang si Mommy Dionisia na pakasalan niya si Jinkee. Hindi raw ito dumalo sa kasal nilang dalawa. Maging noong namanhikan siya ay ang kapatid na babae ang kasama dahil tutol nga ang ina sa kanilang pag-iibigan.

“Itong Sarah and Matteo, na-experience namin ni Jinkee ‘yan…katulad ng naranasan nila ngayon,” sabi ni Manny.

Ang gusto raw ni Mommy Dionisia para kay Manny ay ang dati nitong nobya. Engaged na raw sila ng dating nobya subalit hindi rin sila nagkatuluyan.

“Engaged kasi ako before Jinkee. ‘Yung ka-engaged ko, ‘yun ang gusto ng mama ko,” kuwento ni Manny.

“So, nakilala ko ‘tong si Jinkee. ‘Tapos noong sabi ko na magpakasal kami ni Jinkee, eh ayaw ng mama ko,” patuloy niya.

Sabi pa ni Manny, sa bandang huli ay naging malapit na rin si Mommy D kay Jinkee. Sa katunayan nga raw ay nagsama pa ang dalawa sa isang vlog na nag-viral sa social media kamakailan lang.

Screenshot mula sa video ni Jinkee Pacquiao

Isang payo ang ibinigay niya kay Sarah at Matteo. Dapat raw mahalin at intindihin ang ina ni Sarah na si Mommy Divine, bagama’t hindi niya binanggit ang pangalan nito.

“Isa lang ang masasabi ko sa kanila –kahit ganun pa man ‘yung mga magulang o mga biyenan ninyo ay mahalin ninyo. Huwag kayong magtanim ng galit kasi ang mga magulang ay dapat minamahal at iniintindi,” aniya.

Dapat daw nilang ipakita na nagmamahalan silang dalawa upang mapatunayan na hindi sila nagkamali sa desisyong pakasalan ang isa’t isa.

Imahe mula sa Instagram account ni Matteo Guidicelli
Source :

YouTube