Limang henerasyon ng isang angkan sa Pangasinan naglalaho ang paningin

  • Isang angkan sa Pangasinan ang binansagang “pamilya bulag” dahil 30 miyembro nito ang bulag
  • Isang binitiwang “sumpa” umano ang simula ng pagkabulag ng angkan
  • Sa pagsusuri ng mga doktor, isang uri ng glaucoma na namamana ang kondisyon ng pamilya

Isang kondisyon ang dumapo sa isang angkan sa Manaoag, Pangasinan kung saan ang mga miyembro ng pamilya ay nawalan ng paningin.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa limang henerasyon ng pamilya Ibañez ay umabot na sa 30 miyembro ang nabulag. Maging ang mga batang miyembro ng angkan ay nagsisimula na umanong manlabo ang paningin.

Kuwento ni Teofilo “Pilo” Ibañez, ang kasalukuyang pinakamatandang bulag sa pamilya sa edad na 77, ang unang nabulag sa kanilang angkan ay ang ama ng kanyang tatay – si lolo Ezekiel.

Aniya, nagbitiw ng mga salitang hindi na niya mababawi si lolo Ezekiel nang minsang mahuli itong nangungupit ng pera sa tiyahin. Nang komprontahin umano si Ezekiel ay itinanggi nito ang bintang at sumumpa na kahit mabulag man siya, maging ang kanyang angkan, sinabi niyang hindi siya ang kumuha ng pera.

Tila nagkatotoo ang binitiwang salita ni Ezekiel dahil hindi nagtagal ay unti-unting lumabo ang mga paningin niya hanggang tuluyang nabulag. Ang masaklap, tatlong anak ni Ezekiel, kabilang ang ama ni Pilo na si Mariano ang nawalan din ng paningin.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Limang henerasyon na ng pamilya Ibañez ang apektado umano ng “sumpa.”

Upang malaman kung ano ang dahilan nito, minabuti ng “Rated K” TV program at host nitong si Korina Sanchez na dalhin sa Maynila ang ilang miyembro ng pamilya, partikular na ang mga bata, upang maipasuri sa doktor.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Napag-alaman mula kay Dr. Michelle Lingao, isang pediatric ophthalmologist, na nakararanas ang pamilya ng isang uri ng glaucoma na namamana.

Ayon naman kay Dr. Ryan Collantes, isang Pilipinong doktor mula sa Harvard Medical School na nagsasagawa ng pag-aaral sa kondisyon ng pamilya Ibañez, may genetic mutation ang pamilya kaya nabubulag sila bago sumapit sa edad kuwarenta.

Ang glaucoma ay isang kondisyon kung saan tumataas ang pressure sa loob ng mga mata na dahilan ng unti-unting paglaho ng paningin. Wala pang lunas sa kondisyong ito, subalit maaaring mapabagal ang epekto nito sa pamamagitan ng surgery at mga pamatak sa mata.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN
Source :

ABS-CBN, YouTube