Lamay, ipinagbabawal habang nasa ilalim ng quarantine ang Luzon

  • Ipinagbabawal na ang lamay habang umiiral ang enhanced community quarantine
  • Ang anumang uri ng mass gathering ay ipinagbabawal habang umiiral ang Luzon-wide quarantine
  • Diretso na sa libingan ang taong namayapa at ang maaari lang makipaglibing ay ang immediate family

Habang umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon ay ipinagbabawal na rin ang pagsasagawa ng paglalamay, ayon sa opisyal ng Philippine National P0lice (PNP).

Imahe mula kay Shubert Ciencia

Paliwanag ni PNP deputy chief for operations P/Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang paglalamay ay isang public gathering. Aniya, anumang uri ng mass gathering ay ipinagbabawal habang umiiral ang Luzon-wide quarantine.

Diretso na umano sa libingan ang taong namayapa at ang maaari lang makipaglibing ay ang immediate family.

“Sinama po namin ‘yun. Una, ang puwede lang po sumundo o makipaglibing, ‘yung immediate family, hindi po ang extended family. So, wala pong wake, ‘yung mismong libing na. Kasi ‘yun po ay mass gathering,” paliwanag ni Eleazar sa news briefing.

Sabi pa ni Eleazar, ang pinuno ng Joint Task Force Coronavirus Shield na nangangasiwa sa pagpapatupad ng mga guidelines ng national government para makontrol ang pagkalat ng virus, nauunawaan nila na ang pakikiramay ay isang pamamaraan upang mapagaaan ang kalooban ng mga naulila, subalit nilinaw niya na ang ipinatutupad na social distancing ay para sa kapakanan ng sambayanan.

Screenshot mula sa video ng Radyo Inquirer

“Mayroon po tayong kultura, mayroon po tayong relihiyon, pero iba po ang ating sitwasyon ngayon. So sinasabi po natin, kasama po sa exemption ‘yung magbibigay ng huling basbas, whether minister, pari, imam, o pastor. ‘Yun lang po ang exempted na puwede mag-travel from their home to that place pati na sa sementeryo,” paliwanag ni Eleazar.

Ang enhanced community quarantine na umiiral ay matatapos sa Aril 14, 2020.

 

Source :

Abante, YouTube