Kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa umabot na sa 10 kasunod ng apat na bagong kaso nito

  • Isiniwalat ng DOH na may apat na bagong kaso ng COVID-19 infection sa bansa
  • Ang apat na pasyente ay naka-confine sa mga pribadong ospital
  • Kabilang sa apat ang isang Taiwanese, isang Amerikano at dalawang Pilipino

Sampu na ang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus (COVID-19) sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH). Ito ay matapos kupirmahin ng ahensya ang apat na bagong kaso nito – dalawang Pilipino at dalawang banyaga.

Screenshot mula sa video ng CNN PH

Isiniwalat ng DOH na ang samples mula sa mga pasyente ay sinuri noong Sabado, ika-7 ng Marso at kinabukasan lang lumabas ang positibong resulta.

Sa sampung kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa, pito ang kasalukuyang naka-confine sa pagamutan, dalawa ang nakarekober at isa ang hindi pinalad na makaligtas.

Nasa pribadong ospital ang apat na bagong pasyente na tinamaan ng virus.

Ang isa ay Taiwanese na walang foreign travel history, pero nagkaroon siya ng contact sa kapwa Taiwanese na bumisita sa Pilipinas. Nagsimula ang mga sintomas niya noong ika-3 ng  Marso. Ang ikalawa ay isang American male na mayroong hypertension at travel history sa United States at South Korea.

Ang ikatlo at ikaapat na kaso ay parehong Pilipino. Ang isa ay 32-year-old na may travel history sa Japan sa nakalipas na 14 days. Lumabas ang mga sintomas niya noong March 5. Ang isa pa ay 57-year-old na walang travel history sa labas ng bansa pero nagkaroon ng contact sa isang COVID-19 patient.

Imahe mula sa DOH

Kasalukuyang iniimbestigahan ng DOH ang apat na bagong kaso at nangangalap ng mga impormasyon tungkol sa kanila mula sa mga pribadong ospital kung saan sila naka-confine. Kapag nakolekta na ang mga mahahalagang impormasyon ay agad umano iyong isasapubliko ng ahensya.

Kaugnay ng pagtaas ng bilang ng ma kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa ay pinaigting ng DOH ang panawagan sa publiko na iwasan muna ang pagtungo sa mga matataong pampublikong lugar at ang pag-attend sa mga mass gatherings.

Imahe mula sa PNA
Source :

ABS-CBN, Philstar