Frontrow MLM company ipina-Tulfo ng endorser/distributor dahil inipit ang kinita at binawi ang sportscar

  • Dumulog sa programa ni Raffy Tulfo ang isang distributor ng Frontrow, isang networking company
  • Reklamo ng distributor, hindi raw ibinibigay ng kumpanya ang earnings niya mula pa noong October 2019
  • Maging ang sportscar na binabayaran niya sa kumpanya ay binawi rin
  • Sinabi pa ng distributor na hindi naman totoong epektibo ang produktong pampaputi ng Frontrow

Dumulog sa programa ni Raffy Tulfo na “Wanted sa Radyo” ang distributor at endorser ng Frontrow, isang networking company, na si Dave Villanueva dahil hindi umano ibinigay ng kumpanya ang tseke ng mga kinita niya mula pa noong Oktubre 2019.

Imahe mula kay Dave Villanueva

Binawi rin daw ng Frontrow ang sportscar na Ford Mustang at Montero SUV na binabayaran niya. Umabot na raw sa P500,000 ang naibayad niya para sa sasakyan na nasa pangalan pa ng kumpanya.

Aniya, hindi ibinibigay ng Frontrow ang earnings niya dahil isang Frontrow member ang nasaktan niya noon dahil sa alitan. Naayos na raw ang kaso sa barangay kaharap ang mga lawyers ng kumpanya. Nagbigay umano siya ng pampa-ospital at sa iba pang pangangailangan ng nakaalitan.

Gusto na raw niyang mag-resign, pero hindi pumayag ang Frontrow dahil maaapektuhan ang image nito lalo at member siya ng millionaire’s club ng kumpanya.

“Ayaw po akong pag-resignin. Naghahanap na po ako ng trabaho kasi gusto kong masuportahan na ‘yung pamilya ko kasi ilang buwan nang naka-forfeit yung tseke ko kaso nung nag-post po ako sa Facebook na marami na akong job offer, nag-post po yung may-ari ng company, hindi daw po ako kawalan,” ani Dave.

Sinabi pa ni Dave na hindi naman totoong epektibo ang produktong pampaputi ng Frontrow.

Imahe mula kay Dave Villanueva

Si Dave ay naitampok sa isang billboard ng Frontrow kung saan makikita ang “before and after” na larawan niya. Mula sa dating maitim at maraming taghiyawat ay kuminis at pumuti ang balat niya dahil sa paggamit umano ng Luxxe White. Tinawag siyang Mr. Transformation sa billboard.

Sabi niya naitampok siya sa isang TV program dahil sa malaking transpormasyon niya. Nag-viral ang istorya niya. Tinawagan daw siya ng may-ari ng Frontrow para maging “mukha” ng produkto nito at pinangakuan ng one-year supply ng Luxxe White  o kahit daw lifetime supply, na hindi naman umano nangyari.

Imahe mula kay Dave Villanueva

“Dati po akong maitim, mataba, maraming taghiyawat, and nag-transform po ‘yung itsura ko. Na-feature ako at may tumawag po sa akin, which is ‘yung owner ng Frontrow, si Sir Raymond Francisco. Tapos, tinanong kung nabanggit ba na gumamit ako ng product nila. Ang sabi ko, galing sa kaibigan ko, yung natira. Sinubukan ko naman, pero sobrang mahal, hindi naman ganoon ka-effective sa ibang products na sinubukan ko. Kinuha na lang nila ‘yung story na iyon,” paglalahad ni Dave.

Imahe mula kay Dave Villanueva

Mula raw nang lumantad siya ay marami nang mga Frontrow members ang nagsabi sa kanya na nakaranas ng nararanasan niya ngayon.

Samantala, sinabi ng Frontrow na hindi muna sila magbibigay ng pahayag hinggil sa usapin, ayon na rin sa payo ng kanilang lawyer.

Imahe mula sa Frontrow International