Ex-Quezon City Mayor na si Herbert Bautista sinampahan ng panibagong kaso ng katiwalian

  • Dating QC mayor Herbert Bautista sinampahan ng panibagong kaso ng katiwalian
  • Dahil umano ito sa “unauthorized disbursement of funds” para sa solar power system project na nagkakahalaga ng P25.3 million
  • Nauna nang kinasuhan ng plunder si Bautista dahil sa maanomalyang Smart City Data Infrastructure Project na nagkakahalaga ng P318 million

Isa na namang graft case ang isinampa ng Quezon City government sa Office of the Ombudsman laban sa dating alkaldeng si Herbert Bautista at dalawa pang dating opisyal ng lungsod dahil umano sa “unauthorized disbursement of funds” para sa solar power system project.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Kasama ni Bautista na kinasuhan sina dating city administrator Aldrin Cuña at dating city engineer Joselito Cabungcal.

Ayon kay Atty. Carlo Austria, na siyang kumakatawan sa Quezon City government, ang tatlong respondents ang may kagagawan ng pagbabayad ng P25.3 million sa kumpanyang Cygnet Energy and Power Asia, Inc. (Cygnet) kahit hindi aprubado ng city council ang proyekto.

Sa complaint ng city government, sinabi nito na walang awtorisasyon o pahintulot ang konseho para sa proyekto kaya lumalabas na hindi alinsunod sa batas ang solar power system project.

“For causing undue injury to the City in giving unwarranted benefit, advantage and preference to Cygnet by unlawfully releasing the amount of P25,342,359.25,” ayon sa graft complaint.

Ang nasabing proyekto na pirmado ng tatlong respondents ay na-award sa Cygnet na nagsumite ng bid na P27,621,100 noong June 14, 2019

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

“Well, Bautista approved the project and the project was fully paid. Kahit wala pa ‘yung net metering system , which is part of the contract, nabayaran na ng buo,” sabi ng abogadong si Orlando Paolo Casimiro.

Kasama umano sa kontrata ang net metering system na ikakabit ng Meralco para sa proyekto. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagagamit ang solar power system na ikinabit sa tuktok ng Civic Building F sa loob ng city hall compound.

Bukod sa kasong ito, nauna nang nasampahan ng kasong plunder si Bautista dahil sa diumano’y maanomalyang Smart City Data Infrastructure Project na nagkakahalaga ng P318 million.

Sa ilalim ng proyekto ay magtatayo ng mga free internet base stations sa mga barangay upang magkaroon ng libreng internet access ang mga mamamayan ng lungsod.

Ayon kay Noel Emmanuel Gascon, na siyang nagsampa ng kaso bilang representative ng lungsod, ini-release na umano ni Bautista ang 90% ng pondo ng proyekto kahit wala pang serbisyong naide-deliver ang contractor.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN