Dalagita nawalan ng malay matapos habulin ang nanghablot ng kanyang cellphone

  • Isang dalagita ang nahablutan ng cellphone sa Caloocan City
  • Hinabol ng estudyante ang lalaki na sumakay ng tricycle pero nawalan ito ng malay sa paghabol
  • Nahuli ang salarin na kinuyog ng taumbayan

Naglalakad ang Grade 10 student na si Rovie Rose Paraguya sa kahabaang ng 8th Avenue sa Caloocan City noong Huwebes ng gabi, ika-5 ng Marso, nang hablutin ng isang lalaki ang kanyang cellphone.

Screenshot mula sa video ng GMA

Kwento ng estudyante, ginagamit niya ang cellphone habang naglalakad nang bigla na lang tumabi sa kanya ang isang tricycle. Bumaba ang lalaki mula sa tricycle at inagaw sa kanya ang cellphone. Pagkatapos ay sumakay ulit ang lalaki sa tricycle.

“May tumabi po sa aking tricycle tapos po bumaba po iyong isang lalaki tapos hinablot niya po iyong phone ko. Bumalik po siya ng tricycle nun pagkatapos,” ani Paraguya.

Nagulat umano si Paraguya sa pangyayari, pero nang makita niyang nagmamaniobra ang tricycle ay nagkaroon siya ng pagkakaton na habulin iyon at nagawang makasabit sa likod ng sinasakyan ng salarin.

Hindi siya bumitaw sa pagkakasabit at may isang punto pa na nakaladkad pa siya. Napilitang ibangga ng mga suspek ang tricycle at tumakbo na lang ang nanghablot ng cellphone para makatakas. Hindi pa rin sila tinantanan ng dalagita.

Nang makarating sa mataong lugar ay nagsisigaw ang dalagita upang humingi ng tulong sa mga tao.

Screenshot mula sa video ng GMA

Nakita sa kuha ng CCTV na hinagis ng tumatakbong lalaki ang inagaw na cellphone sa isang napadaang lalaki na nakabisikleta. Nang pupulutin ng nakabisikleta ang hinagis na cellphone ay saka dumating ang dalagita.

Nang iaabot na ng lalaking nakabisikleta ang cellphone sa dalagita ay bigla itong nawalan ng malay. Agad isinugod sa ospital si Paraguya na napag-alamang may dinaramdam pala sa puso.

Screenshot mula sa video ng GMA

Nahuli naman at kinuyog ng taumbayan ang nanghablot ng cellphone. Kasamang kakasuhan ng pagnanakaw ang kasabwat na tricycle driver.

Narito ang video ng pangyayari: