Curfew hour alarm ng isang barangay mas nakakatakot pa raw kaysa coronavirus

  • Curfew alarm sa isang barangay sa Lapu-Lapu City, nakakatakot
  • Ang ginamit na alarm ay sound effect mula sa mga horror movies
  • Mas nakakatakot raw ang alarm kaysa sa coronavirus kaya walang taong naglalabasan tuwing curfew hours

Ang curfew hours na 8 p.m. to 5 a.m. ay ipinatutupad hindi lang sa buong Luzon na kasalukuyang nasa ilalim ng enhanced community quarantine kundi maging sa ibang bahagi ng bansa. Ito ay upang malimitahan ang galaw ng mga tao para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus.

Screenshot mula sa video ni Eduardo Rambo Leyson via Facebook

Sari-saring pakulo ang ginagawa ng mga barangay officials para lang masigurong hindi lalabas ng kanilang mga bahay ang mga nasasakupang residente tuwing dis-oras ng gabi.

Sa Barangay Poblacion (Opon Mercado) sa Lapu-Lapu City sa Cebu, epektibo ang kakaibang gimik na ginagawa tuwing curfew hours. Nakakatakot na sound effect na hango sa mga horror movies ang pinatutunog bilang curfew alarm.

Sabi nga ng mga netizens, mas nakakatakot pa ‘yung curfew alarm kaysa sa coronavirus.

Isang photographer ang personal na nakaranas sa nakakatakot na alarm.

Pauwi noon ang 37-anyos na si Master Capcap Aparente. Habang naglalakad ay naisipan niyang kunan ng video ang walang katao-taong kalsada.

Aniya, hindi niya alam na may ganoong curfew alarm sa barangay nila. Ang plano niya ay kunan lang ng video ang bakanteng kalsada sa gabing napakatahimik. Bago patunugin ang nakakatakot na alarma ay nag-anunsyo muna raw ang barangay tungkol sa curfew.

Screenshot mula sa video ni Eduardo Rambo Leyson via Facebook

Sabi niya, ang curfew alarm ay parang ang sound na ginamit sa pelikulang “The Purge.”

Mukhang epektibo naman daw ang nakakatakot na alarma dahil wala ang mga kabataan na dati-rati ay makikita sa mga daan sa ganoong oras.

Ang video na kuha niya na ibinahagi sa social media ni Eduardo Rambo Leyson ay viral na ngayon. Mayroon na itong mahigit 3.6 million views.

Source :

Facebook, CDN