COVID-19 idineklara ng WHO na isa nang pandemic

  • COVID-19 idineklara ng WHO na isang pandemic
  • Ang ibig sabihin ng pandemic ay kalat na ang virus sa maraming bahagi ng mundo
  • Umaasa ang WHO na sa paggamit ng katagang “pandemic” ay magulantang ang mga bansang mabagal gumawa ng aksyon para kumilos laban sa COVID-19

Nagpahayag ng pagkaalarma ang World Health Organization (WHO) sa dumaraming kaso ng coronavirus infections at hindi sapat na pagtugon ng mga gobyerno kaya ideneklara na nito na isa nang pandemic ang COVID-19 o kalat na sa maraming bahagi ng mundo.

Screenshot mula sa WHO video

Umaasa ang WHO na sa paggamit ng katagang “pandemic,” na kailan lang ay ayaw nitong  gamitin, ay magulantang ang mga bansang mabagal gumawa ng aksyon para kumilos laban sa COVID-19.

“We have called every day for countries to take urgent and aggressive action. We have rung the alarm bell loud and clear,” mariing pahayag ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus.

Sa ngayon ay may mahigit 118,000 cases sa 114 countries. Umabot na sa 4, 291 ang mga nasawi sa COVID-19, anang WHO chief.

Hindi pa naman huli ang lahat at maaari pang baguhin ang landas na tinatahak ng pandemic. Kailangan lang daw na kumilos ang lahat upang labanan ang krisis.

“All countries can still change the course of this pandemic. If countries detect, test, treat, isolate, trace and mobilize their people in the response. We are deeply concerned by the alarming levels of spread and severity and by the alarming levels of inaction,” aniya.

Imahe mula sa Medscape

Sinabi ni Ghebreyesus na sa ngayon ay ang Italy at Iran ang lubos na nagdurusa dahil sa COVID-19 na sa China nagsimula. Aniya, hindi magtatagal ay maraming bansa ang matutulad sa dalawa.

“They’re suffering but I guarantee you other countries will be in that situation soon,” aniya.

Sa Italy ay mayroon nang 12,462 COVID-19 cases at 827 na ang hindi nakaligtas. Pangalawa lang ang mga nabanggit na bilang sa China. Ang buong Italy ay isinailalim na sa lockdown.

Imahe mula sa EarthShakerPH

Ang Iran naman ang hardest-hit ng virus sa buong Middle East. Umabot na sa 354 ang nasawi doon.

Samantala, ang Pilipinas ay mayroon nang 49 confirmed cases ng COVID-19 at naitala na rin ng Department of Health ang kauna-unahang Pilipino na nasawi dahil dito.

Source :

Inquirer, ABS-CBN