Code Red Alert sa COVID-19 itinaas ng DOH kasabay ng kumpirmasyon ng local transmission nito

  • Itinaas ng DOH ang code red alert sa COVID-19
  • Ito ay kasunod ng kumpirmasyon na may local transmission ng virus sa bansa
  • Kasabay rin ito ng kumpirmasyon ng ika-anim na COVID-19 patient

Itinaas ng Department of Health (DOH) ang “code red sub-level 1” sa new coronavirus (COVID-19) noong Sabado, ika-7 ng Marso, kasunod ng kumpirmasyon ng localized transmission ng virus.

Screenshot mula sa video ng Eagle News

Kasabay ng pagtaas ng alert level ay ang kumpirmasyon ng pang-anim na pasyente ng COVID-19 sa bansa.

Ang 6th patient, na nasa stable condition, ay isang 59-year-old na babae na nakaranas ng ubo. Dinala na siya sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, Muntinlupa City noong ika-5 ng Marso.

Asawa siya ng 5th patient ng COVID-19 na walang travel history sa labas ng bansa na madalas bumisita sa isang prayer hall sa Greenhills Shopping Center sa Greenhills, San Juan City.

“In light of the confirmation of localized transmission in the country and in anticipation of sustained community transmission, DOH has raised the Covid-19 alert system to code red sub-level 1,” pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III.

Nilinaw ng kalihim na ang pagdedeklara ng code red alert level ay isang preemptive measure upang matiyak na ang publiko, maging ang mga health care providers, ay makapaghanda sa posibleng paglobo ng bilang ng mga suspected at confirmed cases ng COVID-19.

Imahe mula sa DOH

Inirekomenda ng DOH kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng State of Public Health Emergency.

“With this code red, the DOH has recommended to the Office of the President for the declaration of a State of Public Health ,” ani Sec. Duque.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang ginagawa ng DOH ang makakaya upang kilalain ang iba pa na posibleng nagkaroon ng contact sa mga kumpirmadong kaso upang ang local transmission ay hindi na lumaganap pa sa buong komunidad.

Patuloy na pinaaalalahanan ng DOH ang publiko na sanayin ang pagbibigay ng proteksyon sa sarili kabilang ang kalinisan sa mga kamay, pag-iwas sa mga social gathering, tamang asal sa pag-ubo, pag-iwas sa hindi kinakailangang pagbibiyahe at pagpapaliban ng malakihang pagtitipon.

Imahe mula sa DOH

 

Source :

PNA, YouTube