City-wide disinfecting operations isinagawa sa Lungsod ng Maynila

  • Lungsod ng Maynila nagsagawa ng city-wide disinfecting operations
  • Naglibot ang mga fire trucks upang magwisik ng disinfectant sa mga lansangan at gusali
  • Patuloy rin ang Department of Engineering and Public Works sa isinasagawang spray and misting operations sa mga barangay

Nagsagawa ng city-wide disinfecting operation ang Lungsod ng Maynila nitong Martes ng umaga, ika-24 ng Marso, upang linisin ang mga mikrobyong nasa paligid na nagdadala ng mga sakit.

Screenshot mula sa video ng GMA

Ilang truck ng bumbero ang nakitang nagwiwisik ng disinfectant sa pamamagitan ng malalakas na hose habang lumilibot sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Namataan ang ilang fire trucks sa Jose Abad Santos Avenue at sa harap mismo ng Manila City Hall.

Patuloy rin ang pag-iikot ng Department of Engineering and Public Works sa mga kalsada ng mga barangay para sa isinasagawang spray and misting operations nito laban sa salot na virus.

Bilang bahagi pa rin ng mga ginagawang hakbang upang mabigyan ng proteksyon ang mga Manilenyo, namahagi rin ang Manila City government ng acetate full face shields sa mga stall owners at vendors sa lahat ng pampublikong pamilihan sa lungsod.

Sa kasalukuyan, mayroong 10 kumpirmadong kaso ng coronavirus infection at 79 persons under investigation o mga taong nagpapakita ng mga sintomas ng naturang impeksyon.

Imahe mula sa Manila PIO

Kaugnay ng nananalasang salot, nagpatupad ng bagong ordinansa ang lungsod kung saan ipinagbabawal ang pagdura o pagsinga sa mga pampublikong lugar.

“Meron tayong bagong ordinansa sa lungsod ng Maynila at nais kong ipaalam ko sa inyo na ipatutupad ito ng mahigpit para maiwasan natin ang mabilis na pagkalat ng coronavirus o COVID-19,” sabi ni Mayor Isko Moreno.

“Sa madaling salita po, sa maiintindihan ng pangkalahatan, bawal na pong dumura o suminga sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Maynila,” paliwanag ng alkalde.

Nagsimula na ring mamamahagi ng mga relief goods ang lungsod. Ipinamamahagi ang mga ito tuwing curfew hours. Hindi kailangang lumabas ng bahay o magtungo sa barangay hall ang mga residente. Ang mga barangay officials ang kakatok sa bawat bahay upang ibigay ang tulong.

Imahe mula sa Twitter account ni Mayor Isko Moreno