Borongan Cathedral sa Eastern Samar nagpatupad ng one-meter social distancing sa misa

  • Nagpatupad ng social distancing ang Borongan Cathedral sa Eastern Samar
  • Ang mga upuan sa katedral na dati ay kasya ang sampu, tatlo na lang ang maaaring umupo
  • Ang hindi makapapasok sa katedral at sa labas nakikinig ng misa ay kailangan ding dumistansya ng isang metro sa bawat isa

Alinsunod sa mga polisiyang inilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa banta ng COVID-19, ang Borongan Cathedral sa Borongan, Eastern Samar ay nagpatupad ng one-meter social distancing sa mga mananampalataya sa tuwing magdaraos ng misa simula noong Linggo, ika-15 ng Marso.

Imahe mula sa PTV

Sinabi ni Fr. Ronell Canillas, ang kura paroko ng Nativity of Our Lady Parish sa Borongan, na gagawin nila ang mga ipinag-utos ng pamahalaan, lalung-lalo na ang pagbabawal sa malakihang pagtitipon. Subalit dahil importante ang pagdaraos ng misa, napagdesisyunan nila na limitahan ang bilang ng mga taong maaaring pumasok sa katedral.

“We have prepared sitting plans for our parishioners so only 300 persons will be allowed to enter at a time inside the cathedral,” ani Fr. Canillas.

At kung gugustuhin ng mga parishioners na dumalo sa misa kahit nasa labas ng katedral ay pakikiusapan sila na mag-obserba ng one-meter social distancing.

Iginiit ni Fr. Canillas na ang simbahan ay mananatiling bukas para sa lahat ng mga mananampalataya. Magdaragdag sila ng mga misa upang maiwasan ang sobrang dami ng tao. Sa kasalukuyan ay mayroon silang tatlong misa araw-araw at anim na misa naman tuwing araw ng Linggo.

Imahe mula sa PTV

“Prevention is important now, but faith in God would bring us to salvation. However, this faith should be shown by obeying our laws and the government in order to prevent the spread of this virus,” aniya.

Ang social distancing ay pina-practice rin sa pagsasagawa ng mga lay liturgical ministries tulad ng choirs at mga altar servers.

Imahe mula sa PTV