Trillanes isa na ngayong vlogger

  • Dating senador Sonny Trillanes isa nang vlogger
  • Inilunsad niya ang unang episode ng vlog noong February 18
  • Tinawag niyang TRx o Trillanes Explains ang vlog

Isa nang video blogger o vlogger ang dating senador na si Antonio Trillanes IV. Tinawag niyang TRx o “Trillanes Explains” ang vlog, na ang unang episode ay inilabas sa YouTube channel niya noong Martes, ika-18 ng Pebrero.

Screenshot ng vlog ni Sonny Trillanes

Sa naturang episode ay ipinakilala ng dating senador ang sarili – na ngayon ay nagtuturo sa University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance – bilang citizen Sonny, Prof Sonny o simpleng Sonny.

Ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit niya pinasok ang mundo ng vlogging.

“Welcome to my vlog. Bakit ako nagba-vlog? Ganito kasi ‘yan. Noong natapos ang aking termino, naisip ko na kailangan ko pa ring magsilbi sa ating bayan. Itong adbokasiya ng Magdalo nung 2003 laban sa corruption at pagreporma ng ating gobyerno, ito ngayon ang aking paraan para maipagpatuloy iyon,” ani Trillanes na isang masugid na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mga susunod na episodes ng TRx ay itatampok umano niya ang mga “exposes” tungkol sa kasalukuyang administrasyon batay sa impormasyong nakukuha niya sa ginagawang pananaliksik at imbestigasyon, mula sa kanyang “network” sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at sa mga ordinaryong mamamayan.

Screenshot ng vlog ni Sonny Trillanes

“Paano ko nagagawa ang aking mga exposés? Merong iba’t ibang paraan. Una, sa aming mga imbestigasyon at research. Pangalawa, ito ay ibinigay na information ng aking mga network sa iba’t ibang sangay ng gobyerno. At pangatlo, meron ding mga impormasyon galing sa mga ordinaryong mga kababayan natin,” paliwanag ni Trillanes.

Ang isa pa umanong pakay ng TRx ay ilabas ang katotohanan dahil sa paglaganap ng mga fake news at propaganda.

Screenshot ng vlog ni Sonny Trillanes

 

Source :

YouTube