Dugo mula sa mga pasyenteng nakarekober ginagamit na panlunas sa COVID-19

  • Dugo mula sa mga pasyenteng nakarekober sa COVID-19 ginagamit na panlunas laban sa virus
  • Isinasalin ang blood plasma sa mga malubhang pasyente
  • Batay sa inisyal na resulta, bumuti ang kalagayan ng mga malubhang pasyente na sinalinan ng plasma makalipas lang ang 12 hanggang 20 oras

Ginagamit ngayon ng mga doktor sa Shanghai, China ang dugo mula sa mga taong nakarekober mula sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 bilang panlunas sa mga pasyenteng nakikipagbuno pa sa impeksyon.

Imahe mula sa China Daily

Ayon kay Lu Hongzhou, professor at co-director ng Shanghai Public Health Clinical Centre, may 184 COVID-19 patients ang nasa ospital pa, kabilang ang 166 mild cases at 18 cases na nasa seryoso at kritikal na kondisyon.

Naniniwala si Hongzhou na ang convalescent plasma treatment o ang pagsasalin ng blood plasma sa mga pasyente mula sa mga taong gumaling na virus ay epektibo.

“We are positive that this method can be very effective in our patients,” aniya.

Ang dugo ng tao ay binubuo ng plasma (55%), white blood  cells (4%) at red blood cells (41%). Manilaw-nilaw ang kulay ng plasma.

Sinabi ni Dr. Mike Ryan, head ng health emergencies program ng World Health Organization na napatunayan nang epektibo at life-saving ang convalescent plasma treatment na panlunas sa ibang nakahahawang sakit kaya’t mabuting subukan ito laban sa COVID-19.

Imahe mula sa Canadian Blood Services

“It is a very important area to pursue,” wika ni Dr. Ryan.

“So it is a very important area of discovery, and I believe they are starting trials on that in China. But it is a very valid way to explore therapeutics, especially when we don’t have vaccines and we don’t have specific antivirals,” sabi pa niya.

Batay sa clinical results na ginawa ng China National Biotec Group at Wuhan Blood Center, bumuti ang kalagayan ng mga malubhang pasyente na sinalinan ng plasma makalipas lang ang 12 hanggang 20 oras.

Nananawagan sila ngayon sa mga pasyenteng gumaling na sa COVID-19 na mag-donate ng kanilang plasma upang tulungan ang mga pasyenteng nasa bingit pa ng panganib.

Imahe mula sa China Daily