Alamin: Bakit COVid-19 ang opisyal na ipinangalan ng WHO sa sakit na kumakalat sa China

  • COVID-19 ang opisyal na pangalan ng novel coronavirus na kumakalat sa China
  • Ayon sa WHO, ang ibig sabihin ng COVID-19 ay coronavirus disease 2019
  • Hindi dapat ipinapangalan sa tao, hayop o lugar ang isang uri ng sakit

Inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na ang opisyal na pangalan ng sakit na kumakalat sa China ay COVID-19 o coronavirus disease 2019. Isa umano itong seryosong banta sa mundo subalit may “realistic chance” na ito ay masugpo.

Screenshot mula sa video ng NBC

“We now have a name for the disease and it’s ‘COVID-19’,” pahayag ng hepe ng WHO na si Tedros Adhanom Ghebreyesus.

Ayon kay Tedros, ang “CO” ay para sa corona, ang “VI” ay para sa virus, ang “D” ay para sa disease at ang 19 ay para sa taong 2019 dahil nagsimula ang outbreak noong December 31, 2019.

Ipinaliwanag ng WHO chief na napili ang opisyal na pangalan ng virus upang maiwasan na mabanggit o ikabit ang pangalan ng lugar, uri ng hayop o grupo ng mga tao sa pangalan ng sakit.

“Under agreed guidelines between WHO, the OIEAnimal Health and FAO, we had to find a name that did not refer to a geographical location, an animal, an individual or group of people, and which is also pronounceable and related to the disease,” ani Tedros.

Ang virus na kumakalat sa China ay nauna nang tinawag na 2019 coronavirus o 2019-nCoV. Tinatawag din iyon bilang Wuhan virus.

Screenshot mula sa video ng Time

Sang-ayon ang mga public health experts na hindi dapat ikabit sa isang lugar sa China ang pangalan ng virus.

Ayon sa isang professor, kung ikakabit ang pangalan ng Wuhan sa kumakalat na virus ay magkakaroon ng “stigma” ang mga mamamayan ng Wuhan City na pangunahing biktima ng naturang sakit.

“People tend to think of the disease as belonging to, as being a characteristic of some group of people associated with the place name, which can be really stigmatizing,” paliwanag ni Prof. Wendy Parmet, law professor sa Northeastern University at isang public health expert.

Aniya, kung palaging ipinapangalan sa lugar ang sakit, posibleng hindi na ito i-report ng isang lugar sakaling magkaroon sa kanila ng outbreak.

Imahe mula sa WebMD

Binanggit ng mga eksperto na may mahabang kasaysayan na ang mga sakit ay ipinangalan sa lugar o grupo ng mga tao tulad ng 1918 influenza pandemic na tinawag sa US na “Spanish Flu” kahit hindi iyon nagmula sa Spain.

Ang H1N1 (influenza A) ay tinatawag noon na “swine flu” kahit na ang sakit ay ikinakalat ng mga tao at hindi ng mga baboy. Nagkaroon iyon ng malaking epekto sa hog industry.

Ang Ebola virus ay isinunod sa pangalan ng isang ilog kung saan unang lumitaw ang sakit.

Ayon sa WHO, hindi na rin dapat ginagamit ang pangalan ng tao (scientist na nakadiskubre) para ipangalan sa isang uri ng sakit at ang mga kataga na nagdudulot ng takot at kaba tulad ng “unknown” at “fatal.”