Rescuers nahihirapang makapasok sa Talisay dahil sa bitak-bitak na daan at sirang tulay

  • Isang residente ng Talisay, Batangas humingi ng tulong sa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal
  • Isang netizen ang nakipag-ugnayan sa residente sa pamamagitan ng text messages
  • Nakalikas naman ang ibang residente sa pamamagitan ng pakikisakay sa dumaang sasakyan

Isang netizen, si Stephanie Nicole Panganiban ng Sto. Tomas, Batangas, ang nanawagan sa sinumang maaaring tumulong sa ilang residente sa Upper Street Zone 1 sa Talisay, Batangas na malapit sa nag-aalborutong Taal Volcano.

Screenshot ng Facebook post ng netizen na si Stephanie Nicole Panganiban

“Guys!! Please i need your help. Tulungan po natin sila. Baka po may kakilala kayo na pwede pang tawagan at pwedeng mag rescue sa kanila. Paki help naman po ako na tumawag sa iba pa na pwedeng tumulong sa kanila and please ipag pray po natin sila. Please guys!!” Panawagan ni Pangilinan sa pamamagitan ng Facebook.

Ang panawagan ni Panganiban ay kasunod ng paghingi ng tulong ng isang Vheralyn Go Arante.

“Teeeep! Baka may kakilala ka na rerescue sa ‘ming taga Talisay. Taos puso akong nahingi ng tulong” text ni Arante kay Pangilinan na agad namang nagsabi na kakausapin ang mga kakilalang maaaring magbigay ng tulong.

Inilarawan ni Arante kay Panganiban ang epekto ng lindol sa pagsabog ng bulkan.

“Segundo lang ang pagitan ng lindol, nagbibitak na ang mga lupa at bato na ang inuulan. Napuputol na rin ang mga puno. ‘Yung bubong namin bibigay na sa sobrang bigat ng putik,” ani Arante.

Sinabi pa ni Arante na walang rescuers na nagpupunta sa kanilang lugar.

Screenshot ng mensahe ng residente ng Talisay

“Hinihika na ako. Hindi na kaya ang baho. Walang rescue na napunta sa lugar namin,” sabi pa ni Arante.

Ayon kay Arante ay anim sila. Isa ng buntis at tatlo ang bata.

Pinakalma naman ni Panganiban si Arante at sinabing marami na siyang nasabihan na maaaring tumulong sa kanila.

Makalipas ang dalawang oras ay nagbigay ng update si Panganiban at sinabing nasa lugar na ang mga rescuers. Bagaman at hirap silang makapasok dahil sa bitak-bitak na daan at sirang tulay ay gumagawa umano ng paraan ang mga rescuers na marating ang lugar nila Arante

Sinabi naman ni Arante na lumabas na sila ng bahay at naglakad upang makahingi ng tulong.

Screenshot ng mensahe ng residente ng Talisay

Sa huling text ni Arante kay Panganiban, sinabi niya na nakisakay sila sa isang L300 van na dumaan.

“Wala rescue, e. Nakasakay na kame pero hindi sa rescue. Okay na kami, be, nasa biyahe na. Sa L3(00) nakisakay laang. Hindi pa namin alam kung saan kami papunta,” ani Arante.

Inalok naman ni Panganiban si Arante na tumuloy sa kanila sa Sto. Tomas, Batangas.

Batay sa update mula sa mayor ng Talisay, nailikas na ang 95% ng mga residente.

“Hanggang sa oras na ito ay nasa 95% (naka)likas na ang mga tao at may pailan-ilan pang natitira sa kanilang mga bahay-bahay dahil ayaw iwanan ang kanilang mga property,” pahayag ni Mayor Gerry Natanauan.

Aniya, patuloy na naglilibot ang mga rescuers at hinihikayat ang mga nagpaiwang residente na lumikas na rin.