Mga fissures o bitak sa lupa lumalaki sa patuloy na aktibidad ng Taal

  • Mga bitak sa lupa sa ilang bayan sa Batangas naobserbahang lumaki ng ilang sentimetro
  • Nangangahulugan ito ng patuloy na pag-akyat ng magma sa ibabaw ng Taal
  • Sa Talisay, isang bagong fissure ang nakita ng PHIVOLCS sa isang landas doon na madalas dayuhin ng mga turista

Ang mga fissures o bitak sa lupa sa ilang bayan sa Batangas na malapit sa Taal Volcano ay mas lumaki dahil sa patuloy na aktibidad ng bulkan.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa larawang ibinahagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), makikita ang mga bitak ng lupa sa bayan ng Agoncillo, Lemery, Talisay at Taal.

Sa Talisay, isang bagong fissure ang nakita ng PHIVOLCS sa isang landas doon na madalas dayuhin ng mga turista. May lumalabas na steam sa nasabing bagong bitak.

“We found out that the new fissure in the northern side extends to the area where the tourists hike, and it’s giving off steam,” wika ni Phivolcs director Renato Solidum Jr.

Ang tinutukoy ni Solidum ay ang Daang Kastila – ang halos tatlong kilometrong landas patungo sa main crater ng Taal.

Ayon pa kay Solidum ang mga bitak na nakita sa apat na nabanggit na bayan ay mas lumaki ngayon ng ilang sentimetro mula nang unang makita ang mga iyon.

Imahe mula sa PHIVOLCS

Normal naman ang pagkakaroon ng mga fissures kapag may eruptive activity ang isang bulkan. Paliwanag ng PHIVOLCS, ipinapahiwatig ng mga bitak na ang mga magma ay umaakyat sa Taal na nagsasanhi ng ground deformation.

Sa kabila ng tila pananahimik ng Taal,  nananatiling nasa ilalim ito ng Alert Level 4 na ang ibig sabihin ay nagbabadya pa rin ang posibilidad ng isang delikado at mas malakas na pagsab0g nito.

Noong Huwebes, ika-16 ng Enero, ipinakita ng satellite data galing sa United States Geological survey na natuyo ang main crater ng Taal. Posibleng dahil ito sa underwater fissures o mga bitak sa ilalim ng Taal Lake sanhi ng mga pagyanig at ground deformation sa patuloy na pag-akyat ng magma.

Imahe mula sa Pinoy Formosa