Malalaking bitak sa mga kalsada malapit sa Taal, senyales na posibleng magkaroon ng malakas at delikadong eruption – Phivolcs

  • Mga kalsada sa ilang bayan sa Batangas na malapit sa Bulkang Taal nagkabitak-bitak
  • Ang mga bitak ay sanhi ng seismic activity, ayon sa PHIVOLCS
  • Ipinapahiwatig ng mga bitak na lupa na ang magma ay patuloy na umaakyat sa ibabaw ng bulkan

Nagbabala ang mga eksperto mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng magkaroon ng mas malakas at delikadong eruption ang Bulkang Taal matapos magkabitak-bitak ang lupa sa ilang bayan na malapit sa bulkan.

Screenshot mula sa video ng DZMM TeleRadyo

Ipinaliwanag ni Ma. Antonia Bornas, ang head ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, na ang  mga bitak sa lupa sa ilang bayan sa Batangas ay sanhi ng seismic activity.

Aniya, ipinapahiwatig nito na patuloy ang pag-akyat ng magma sa ibabaw ng bulkan.

“Ito pong fissures na ito or fractures, ito po ay nangyari din nung 1911 na pagput0k ng bulkan bago po nag-progress sa climactic o expl0sive eruption,” sabi ni Bornas.

“Ngayon, hindi pa po masyadong humihiwalay ‘yung lupa, pero noong 1911 ang nangyari po after ng malakas na pagputok, lumubog pa ‘yung lupa diyan,” dagdag pa ni Bornas.

Ayon naman kay PHIVOLCS chief Renato Solidum, ang pag-akyat ng magma ay senyales na maligalig ang bulkan na posibleng mauwi sa mapanganib na pagsabog.

“Ibig sabihin, umaakyat ‘yung volume ng magma na pwede pang mag-supply d’un sa eruption ng Taal,” ani Solidum.

Screenshot mula sa video ng DZMM TeleRadyo

Kabilang sa mga lugar na nakitaan ng fissures o mga bitak sa lupa ay ang Barangay Mahabang Dahilig, Palanas, Dayapan, Sangalang at Poblacion sa bayan ng Lemery; Barangay Pansipit sa Agoncillo; Poblacion 1, Poblacion 2, Poblacion 3 at Poblacion 5 sa Talisay at Poblacion sa bayan ng San Nicolas.

Samantala, nagbabala ang gobyerno sa mga evacuees na huwag munang bumalik sa kanilang mga tahanan dahil nananatili pa rin ang panganib ng isang malakas na pagsabog.

“’Yun pong mga sinasabing nasa lugar na mapanganib, ‘wag na muna kayong bumalik sapagkat hindi pa tayo nakakasiguro kung safe na ‘yung lugar na ‘yun,” anang tagapagsalita ng Pangulo na si Salvador panelo.

Screenshot mula sa video ng Eagle News