Kalunos-lunos: Mga larawan ng ilang lugar sa Tagaytay at Agoncillo, Batangas na nababalot ng makapal na abo

  • Mga larawan ipinakitang nababalot ng makapal na abo ang People’s Park in the Sky sa Tagaytay City
  • Maging ang bayan ng Agoncillo na pinakamalapit sa crater lake ng Taal ay balot na rin ng sobrang kapal na abo
  • DSWD Region 4 nanawagan ng donasyon para sa mga apektado ng pagputok ng bulkan

Ibinahagi ng Philippine Information Agency ang ilang larawan mula sa isang netizen na nagpapakita ng ilang lugar na nababalot ng makapal at maitim na abo mula sa Bulkang Taal.

Imahe mula sa sa Facebook account ni Jerome Austria Abuan

Sa larawang kuha ng netizen na si Jerome Austria Abuan na residente ng Tagaytay City sa Cavite, ang People’s Park in the Sky, na dating kilala sa tawag na “Palace in the Sky,” sa nasabing lungsod ay nababalot na ng makapal na abo.

“People’s Park in the Sky Tagaytay City. Lahat ay kulay abo,” caption ni Abuan sa mga larawang ibinahagi ni sa kanyang Facebook account.

Makikitang nakadapa na sa bigat ng makapal na abo ang mga halaman sa paanan ng Doppel weather radar ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na nasa parke. Makikita rin ang ilang larawan ng mga kalsada patungo sa parke na nababalot na ng makapal na abo batay sa bakas ng gulong ng dumaang sasakyan.

“P’re, mukhang post-apocalyptic na d’yan. Ingat, p’re,” komento ng isang netizen sa larawang ipinost ni  Abuan.

Isang residente naman mula sa Barangay Banyaga sa Agoncillo, Batangas ang nagbahagi rin ng mga larawan ng kanilang lugar na nabalot na rin ng sobrang kapal na abo.

Imahe mula sa Facebook account ni Ian Myk

Ang Agoncillo ang isa sa mga lugar na lubos na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal. Ito ang bayan na pinakamalapit sa crater lake ng bulkan.

Samantala, nanawagan ang Department of Social Welfare and Development ng Region 4 ng mga donasyon para sa mga apektado ng pagsabog ng bulkang Taal.

Imahe mula sa PIA
Source :

Facebook