Ingatan ang mga anak: Huwag iwan ang cellphone charger na naka-plug sa electric socket pagkatapos gamitin

  • Batang paslit napahamak dahil sa pagsubo ng kurdon ng phone charger
  • Naganap ang insidente sa India
  • Alamin ang ilang mga importanteng bagay na dapat tandaan upang maging ligtas sa kuryente ang mga bata

Ang mga batang paslit ay isinisilang na natural na may kasabikang matuto. Natural ang pagiging curious nila o ang pagiging mausisa. Hindi sila mapipigilang maggalugad upang maintindihan ang kanilang paligid. Magaling din silang manggaya sa mga ginagawa ng mga kasama sa bahay.

Imahe mula sa Pixabay

Kung hindi magiging maingat ang mga matatandang kasalamuha ng mga batang paslit ay posibleng magdala ng panganib sa mga bata ang pagiging curious nila lalo na kung may kinalaman ito sa kuryente, katulad na lang ng nangyari sa isang dalawang-taong-gulang na paslit sa India.

Napahamak ang bata nang isubo niya ang cord ng cellphone charger habang nakasaksak pa ito sa electric socket. Naganap umano ang pangyayari habang naglalaro ang paslit sa bahay ng lola nito sa Jahangirabad, Uttar Pradesh.

Isa sa mga tao sa bahay ang nag-charge ng cellphone at iniwang nakasaksak sa electric outlet ang charger pagkatapos mag-charge. Nakita ng paslit ang nakasaksak pang phone charger at isinubo ang kurdon nito kaya siya nakuryente.

Naisugod pa umano sa ospital ang bata ngunit hindi na ito nailigtas ng mga doktor.

Responsibilidad ng mga magulang na panatiliing ligtas sa anumang electrical safety hazard sa kanilang tahanan ang mga maliliit na anak. Kung nakaiintindi na ang mga anak, dapat ituro sa kanila ang panganib na dala ng kuryente.

Imahe mula sa Baby Center

Narito ang ilang tip para maging ligtas ang ating mga anak mula sa kuryente sa bahay:

  • Ilagay ang kurdon ng mga appliances sa hindi maaabot ng mga bata. Alisin sa pagkaka-plug sa electric outlet ang mga appliances kapag hindi ginagamit.
  • Kapag bagong ligo, siguruhing tuyo ang mga bata bago gumamit ng de-kuryenteng gamit tulad ng mga game console o TV.
  • Palaging inspeksyunin kung maayos ang kable o kurdon ng mga appliances upang maiwasan ang electric shock mula sa exposed na kable
  • Ilayo ang anumang inumin sa mga kagamitang de-kuryente
  • Huwag magsaksak ng maraming appliances sa isang extension cord dahil posible itong mag-overheat

Bukod sa mga nabanggit, dapat ay alam mo ang gagawin sa oras ng emergency at siguruhing ikaw ay laging nakahanda. Mainam na mayroong electrical fire extinguisher (Dry Powder o CO2), first aid kit at emergency contact list.

Imahe mula sa Kidspot