Estudyante nanindigan na tunay ang larawan ng turistang dumumi sa Intramuros, Yorme nagpasalamat

  • Estudyanteng kumuha ng larawan ng turistang dumumi sa loob ng Intramuros inimbitahan ni Mayor Isko sa city hall
  • Itinanggi ng estudyante ang paratang ng IA na nagpapakalat lang siya ng anti-Chinese sentiment
  • Pinasalamatan ni Mayor Isko ang estudyante sa ipinakitang malasakit sa Intramuros at siyudad ng Maynila

Ang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines na kumuha at nagbahagi ng mga larawan ng isang banyagang turista na dumudumi sa isang malaking paso sa loob ng makasaysayang Intramuros ay nanindigan na tunay ang mga larawan.

Screenshot mula sa video ng Mayor Isko Moreno

Sinamahan ni Major Rizalino Ibay, head of the Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team, ang estudyanteng si Dos Alvarado, na Ronald Joseph Alvarado ang tunay na pangalan, sa opisina ni Mayor Isko Moreno upang ipakita sa alkalde ang mga imaheng kuha ng kanyang camera.

Nanindigan ni Alvarado at itinanggi ang paratang na ginawa ng Intramuros Administration sa pamamagitan ng isang press statement na nagpapakalat siya ng anti-Chinese sentiment.

Itinanggi rin niya ang sinabi ng Intramuros Administration na kino-contact siya nito upang alamin ang iba pang detalye tungkol sa ibinahagi niyang mga larawan ng banyagang turista.

Sa isang video, sinabi ni Mayor Isko na ang suspek ay malinaw na nakita sa larawan na naghubad ng pantalon sa kung anumang dahilan sa isang pampublikong lugar partikular sa loob ng Intramuros na itinuturing na isa sa mga “jewels” ng Lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa Facebook account ni Dos Alvarado

Ayon sa alkalde, inimbitahan niya si Alvarado sa kanyang opisina upang personal na mapasalamatan sa ipinakita nitong pagmamalasakit sa Intramuros at sa siyudad ng Maynila.

“Dos Alvarado. Siya ‘yung kumuha nung picture. Siya ‘yung concerned citizen na nag-post, na nagmalasakit sa Intramuros at nagmalasakit sa siyudad ng Maynila…so, thank you, Dos ha,” sabi ni Yorme.

Nanawagan ang alkalde sa publiko na i-share ang larawan ng turista upang makatulong na matukoy ang pagkakakilanlan nito. Ipinag-utos na niya kay Major Ibay na hanapin ang lalaki at hulihin upang panagutin sa ginawang hindi kanais-nais.

Screenshot mula sa video ng Mayor Isko Moreno
Source :

Facebook, Tribune