Tunay na bantay: Mga asong nakatambay sa tapat ng isang ATM, pinakamabisang bantay raw ng machine

  • Trending sa social media ang mga ‘bantay’ ng isang ATM sa Bulacan
  • Pitong aso kasi ang nakabantay sa tapat ng bangko kung saan naroon ang machine
  • Sabi naman ng mga netizens, pahirapan daw mag-withdraw dahil sa mga bantay na ito

Nakagawian na nating itawag sa ating mga alagang aso ang pangalang ‘Bantay.’ Dahil para sa marami sa atin, hindi lamang sila mga alaga na nagpapasaya sa atin, kung hindi mga maaasahang katuwang din sa pagpapanatili ng seguridad ng buong pamilya.

Larawan mula sa Facebook post ni Clark H. Timoteo

Nagagawa kasi nilang tumahol kapag mayroong magtatangkang pumasok sa isang bahay at ang iba nga ay ipinagtatanggol pa ang kanilang amo.

Ito rin ang dahilan kung bakit viral ang isang larawan sa Facebook. Makikita kasi sa upload ng isang netizen na tila nakabantay ang maraming aso sa isang automated teller machine (ATM) ng isang malaking bangko.

Sa post ni Clark H. Timoteo, makikita ang larawan ng mga aso sa harap ng isang bangko kung saan naroroon ang ATM. Nasa pitong aso ang nakakalat sa tapat mismo ng machine. Ayon sa uploader, ito na raw ang pinakamahigpit na seguridad na maaaring ilagay sa isang ATM na kung minsan ay nagiging puntirya ng mga masasamang loob.

Hindi naman “beast mode” ang mga aso dahil anim sa mga ito ay namamahinga na dahil gabi na rin iyon, habang isa lamang ang nakatayo at tila masipag na nagbabantay. Pero ayon sa mga netizen na may alaga ring aso, sa oras raw na may magtangka sa machine ay agad na reresponde ang mga ito.

Larawan mula sa PTV 4

Umabot naman sa higit 4,000 reactions at 3,700 shares ang post ni Timoteo. Ngunit ang ibang netizens naman na tak0t sa aso ay may suliranin sa larawan. Kahit daw mabuti ang intensiyon nila na kumuha lamang ng pera sa ATM, ay baka hindi na rin sila makatungo sa machine.

“Kung ganito ang mga ATMs, siguradong makakaipon ako ng pera,” biro ng isang netizen sa larawan dahil takot din daw siya sa mga aso.

May mga netizens naman na napadaan sa bangkong iyon sa Malolos City, Bulacan na madalas din umanong makita ang mga aso na nakatambay sa tapat ng ATM lalo na kapag sumasapit na ang gabi.