SSS, pinaalalahanan na ibigay na sa mga SSS pensioners ang 2nd tranche ng pension increase

  • Ikalawang bugso ng pension hike, dapat nang i-release ng SSS sa Enero 2020
  • Noong Enero 2019 pa dapat ibinigay sa mga SSS pensioners ang karagdagang P1,000, subalit naantala ito
  • Umaasa si Neri Comenares ng Bayan Muna na hindi na madi-delay ang release ng 2nd tranche ng SSS pension hike

Ipinaalala ni Neri Colmenares, ang chairman ng Bayan Muna, sa Social Security System (SSS) na ibigay na ang ikalawang bugso ng pension increase sa mga retiradong SSS members na nagkakahalaga ng isanlibong piso.

Imahe mula kay Neri Colmenares

“Sana naman ay ibigay na ng SSS ang P1,000 pension increase sa Enero dahil kailangang-kailangan na ito ng ating seniors,” paalala ni Colmenares sa SSS matapos inanunsyo ng ahensya ang release ng 13th month benefits para sa mga pensyonado.

Ang 13th month benefits ay nai-release na noong ika-6 ng Disyembre.

Noon pang Enero ng taong 2017 naibigay sa mga SSS pensioners ang first tranche ng pension hike na nagkakahalaga ng isanlibong piso.  Noong Enero ng taong kasalukuyan dapat ibibigay ang 2nd tranche ng pension hike, subalit hindi ito naibigay sa mga pensyonado dahil umano sa kakulangan ng pondo.

Nangako noon ang SSS na sa Enero ng taong 2020 maibibigay ang ikalawang bugso ng pension increase kaya naman ipinaalala ito ni Colmenares sa ahensya.

Malaking tulong umano para sa mga matatandang pensioners ang karagdagang P1,000 sa kanilang pensyon dahil naapektuhan ang mga ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin mula nang maipatupad noong 2018 ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Imahe mula sa Politiko

“Giving the P1, 000 pension increase in January 2020 is in fact long overdue because the subhuman level of the basic SSS pension had been aggravated since the implementation of the TRAIN law,” ani Colmenares.

Sa ginawa niyang paalala sa SSS, umaasa si Colmenares na hindi muling maaantala ang release ng P1,000 pension hike.