Senadora Cynthia Villar tutol sa pag-aangkat ng galunggong; kumain na lamang daw ng gulay

  • Sinabi ni Senadora Cynthia Villar na tutol siya sa planong pag–aangkat ng galunggong
  • Humanap na lamang daw ng iba pang alternatibong ulam ang mga mamamayan
  • Iminungkahi niya ang pagkain ng gulay na higit umanong mura at masustansiya pa

Tahasang ipinahayag ni Senadora Cynthia Villar na tutol siya sa planong pag–aangkat ng isdang galunggong mula sa ibang bansa, dahil lumobo na ang presyo nito sa mga pamilihan kaugnay sa kakulangan ng suplay.

Public Domain Image

Si Villar ang chair ng Agriculture and Food Committee ng Senado kaya naman mahalaga ang kaniyang opinyon hinggil sa plano ng Department of Agriculture na mag–angkat ng galunggong, na paboritong ulamin ng mga Pilipino, lalo na ng masa.

Ayon sa pahayag ni Villar, kung mahal daw ang galunggong, makabubuting huwag na lamang kumain nito; sa halip, humanap ng ibang alternatibo, gaya ng bangus, hasa–hasa, ayungin, at marami pang iba.

Binanggit din niyang maaaring maging alternatibo ang gulay. Mas masustansiya pa umano ito at makatutulong upang malunasan ang malnutrisyon sa bansa. Iniugnay pa niya ito sa mababang resulta ng reading comprehension, Mathematics, at Science ng mga mag–aaral.

“Importation should not be our automatic reaction to problems besetting the agriculture sector. We should work for long-term solutions that will make us self-sufficient and competitive,” dagdag na paliwanag ni Villar.

Hati ang naging reaksyon dito ng mga netizens. May mga sumang–ayon at mayroon ding mga tumutol.

“Agree. But sad thing hindi ganiyan mag-isip ang ibang Pilipino. Ipipilit kahit gipit. May ibang alternative na food if mahal. Hindi naman kasalanan ni Villar na mahal ang galunggong.”

Public Domain Image

“Easy to say from a person who can buy all the salmon in the sea.”

“She really makes sense. This is reality. Otherwise, a third party is involved to benefit from importing galunggong.”

“Ma’am ganiyan ho ba ang mindset ng may pambili? Baliktarin ho kaya natin ang sitwasyon na kayo ang walang pambili at gusto ninyong makakain ng isda. Hindi iyan ang solusyon, ma’am…”

“Tumpak, Sen. Villar! Dapat ganiyan tayo mag-isip, kung mahal at hindi kaya ng budget, look for an alternative!”

Samantala, sinabi rin ni Villar na kailangang pag–ibayuhing mabuti ng Department of Trade of Industry o DTI ang kanilang inspeksyon sa mga pamilihan upang matiyak na sumusunod ang mga nagtitinda sa suggested retail price o SRP sa mga pangunahing produktong kailangan ng mga mamamayan sa pang–araw–araw na pamumuhay.