Sampung pisong buwis kada kilo ng single-use plastic bags, isinusulong

  • Single-use plastic bags nais patawan ng buwis
  • Sampung piso kada kilo ng single-use plastic bags ang ipinanukala sa Kamara
  • Tutol naman sa panukala ang Philippine Plastics Industry Association

Kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan na nais niyang ipagbawal ang paggamit ng single-use plastics, isang panukalang batas ang inihain sa Kamara na naglalayong patawan ng buwis ang mga plastic bag.

Imahe mula sa Business Diary

Ang House Bill (HB) 178 na inihain ni Sultan Kudarat 2nd District Rep. Horacio Suansing Jr. at Nueva Ecija 1st District Rep. Estrellita Suansing ay naglalayong patawan ng sampung pisong buwis kada kilo ang mga plastic bags na karaniwang ginagamit sa mga supermarket, shopping mall, at iba pang katulad na establisimyento.

Sinabi ni Rep. Suansing na sa ibang bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations ay mas mataas ang buwis na ipinapataw sa single-use plastic.

Aniya, ang excise tax sa kada piraso ng plastic bag sa Hong Kong ay katumbas ng P3.25, sa Indonesia ay P18.07, P2.24 sa Malaysia at P5 naman sa Cambodia.

Mahihikayat ng HB 178 o “Single use Plastic Bag Tax Act” ang paggamit ng “environment-friendly alternatives” sa single-use plastic bags, anang mambabatas.

Batay umano sa mga datos, umaabot sa limang trilyong piraso ng plastic bags ang ginagamit taon-taon at bilyun-bilyon ditto ang napupunta sa mga daluyan ng tubig.

Imahe mula sa Facebook account ni Rep. Suansing

“These are, likewise, toxic to both humans and animals, especially, when accidentally ingested. Plastic marine debris have been documented to harm at least 267 species, among which are sea turtles and dolphins,” sabi ni Rep. Suansing.

Sa oras na maisabatas ang panukala, ang 50 porsiyento ng buwis na makakalap ay ilalaan sa Solid Waste Management Fund.

Nagpahayag naman ng pagtutol sa panukalang batas ang Philippine Plastics Industry Association na pinamumunuan ni Willy Go.

Ani Go, maaari pang makahanap ng ibang paraan ang pamahalaan upang maisalba ang kalikasan sa plastic waste na hindi kinakailangang magpataw ng buwis sa plastic bags.

Imahe mula sa State of Green