Samahan ng mga private schools tutol na itaas sa P30,000 ang suweldo ng private school teachers

  • Samahan ng mga private schools tutol sa panukalang itaas sa P30,000 a month ang entry level salary ng private school teachers
  • Kakailanganin umano nila na magtaas ng 25% sa tuition fee para makapagpasuweldo ng P30,000 a month
  • Kapag naisabatas ang panukala ay marami umanong private schools ang posibleng magsasara

Tinawag ng isang samahan ng mga pribadong paaralan na “something out of this world” ang panukala  ng isang mambabatas na itaas sa P30,000 kada buwan ang minimum na suweldo ng mga private school teachers.

Imahe mula sa FAPSA

Ginawa ng Federation of Associations of Private Schools and Administrators (FAPSA) ang pahayag kasunod ng paghahain ni ACT Teachers Representative France Castro noong nakaraang linggo ng House Bill No. 5166 na naglalayong itaas sa P30,000 a month ang entry level salary ng mga guro sa pribadong paaralan.

Sinabi ni FAPSA President Eleazardo Kasilag na lubhang maaapektuhan ang mga private schools sa panukala ni Rep. Castro na posibleng humantong sa kanilang pagsasara.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang seventy percent ng tuition fee na makokolekta ng private schools mula sa kanilang mga estudyante ay dapat ilaan sa suweldo ng mga teachers at non-teaching personnel batay sa isinasaad ng 2010 Revised Manual for Regulation of Private Schools in Basic Education of the Department of Education.

“Private school teachers, like their counterparts in the public sector, have long been calling for a substantial increase in their salaries. Teachers in the private sector are not spared from huge class sizes and additional tasks apart from their teaching responsibility. They are also overworked and underpaid,” paliwanag ng mambabatas sa kanyang mungkahi.

Imahe mula sa ADNU

Sinabi naman ni Kasilag na para makuha ang P30,000 mula sa 70% ng tuition fee ay kakailanganin ng mga pribadong paaralan na mag-apply ng 25% tuition increase, ngunit pinangangambahan nila na magsisilipat sa mga public schools ang mga estudyante kapag nagtaas sila ng singil.

“How else can you give P30,000 entry fee if you would not file for increase? But most of us are not filing for increase for fear of further losing enrollees,” sabi ni Kasilag.

Sabi pa ni Kasilag, subsidy ang kailangan ng mga private schools upang magpatuloy ang kanilang operasyon.

“Private schools need subsidy to survive and not this kind of thoughtless bill, which shall destroy private school operation,” aniya.