Raj Lavin ng Singapore basketball team, kinagiliwan ng Pinoy basketball fans

  • Sentro ng Singapore basketball team na si Raj Lavin, kinagiliwan ng Pinoy fans
  • Kahit talunan nang matapos ang laban, ang pangalan ni Lavin ang isinisigaw ng mga Pinoy fans
  • Sabi ni Lavin, masaya siya na nagustuhan ng mga Pilipino ang laro niya

Libo-libong Pinoy basketball fans ang sumugod sa Mall of Asia Arena noong Martes ng gabi, ika-2 ng Disyembre, upang saksihan ang unang laro ng Gilas Pilipinas sa 5-on-5 basketball competition ng 30th Southeast Asian Games laban sa koponan ng Singapore.

Screenshot mula sa ESPN5 video

Tinambakan ng Gilas Pilipinas ang Singapore team ng 52 points sa nasabing laro sa final score na 110-58.

Sa punto na sigurado na ang panalo ng Team Pilipinas, nabaling ang atensyon ng Filipino crowd sa sentro ng Singapore team – ang 19-anyos na si Raj Lavin na may taas na 6’7”.

Sa fourth quarter ng laro, nagsimula nang i-cheer ng Pinoy fans si Lavin. Naghihiyawan sila kapag nakakahawak siya ng bola na agad napapalitan ng pagkadismaya kapag ipinasa niya iyon sa kakampi.

Maging ang mga Gilas Pilipinas players at coach ay napansin ang tila pagkahumaling ng Pinoy fans kay Lavin.

“Today, the crowd was all for us until the end, when they got a crowd favorite,” sambit ni Chris Ross.

“The collective yelling and screaming when their big guy got the ball was typical of the personality of our crowds,” sabi naman ni Coach Tim Cone.

Limang puntos at dalawang rebounds lang ang nagawa ni Lavin, subalit nakuha niya ang pinakamalakas na cheers mula sa fans noong gabing iyon nang subukan niyang tapatan ang 7-footer ng Gilas na si Greg Slaughter.

Screenshot mula sa video ng ESPN5

At kahit talunan nang matapos ang laban, ang pangalan ni Lavin ang isinisigaw ng mga Pinoy fans.

Nagbiro pa si coach Tim Cone na magkakaroon ng TV commercial si Lavin kinabukasan dahil naging napakapopular niya noong gabing iyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Lavin na napansin niya ang pag-cheer sa kanya ng mga Pinoy fans at  masaya raw siya na nagustuhan nila ang kanyang laro.

Screenshot mula sa video ng News5

“I heard them, they’re pretty loud you know. I’m honored to be here to embrace the crowd and play the game here. It’s the game of basketball, they can cheer for both sides. I’m really happy they liked the way I played the game and they’re cheering for me,” ani Lavin.

Humanga naman si Lavin sa husay ng Gilas Pilipinas. Aniya, makatutulong sa pag-improve ng laro niya ang karanasan na makalaro ang Philippine men’s national basketball team.

Screenshot mula sa video ng ESPN5