Pinoy surfer isinantabi ang tsansang manalo para sagipin ang kalabang Indonesian na tinangay ng malaking na alon

  • Pinoy surfer iniligtas ang kalabang Indonesian sa men’s longboard open competition for surfing
  • Isinantabi ng Pinoy ang tsansang manalo upang tulungan ang kalaban
  • Nagpasalamat ang buong surfing team ng Indonesia sa Pinoy surfer na si Roger Casugay

Isinantabi ng isang Pinoy surfer ang tsansang makapasok sa finals para sungkitin sana ang gintong medalya at pinili na saklolohan ang kalaban niyang Indonesian na tinangay ng malaking alon matapos matanggal ang surfboard leash sa paa nito.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Kinilala ang Pinoy surfer bilang si Roger Casugay at Arip Nurhidayat naman ang Indonesian.

Ang pangyayari ay ibinahagi sa Facebook ng isang Jefferson Ganuelas.

“In the midst of the men’s longboard open competition for surfing, Indonesia’s Arip Nurhidayat broke his leash and was swept away by the waves. The Philippines’ Roger Casugay came to the rescue, setting aside the ongoing battle for the gold. This is how  #WeWinAsOne#2019SEAGames,” post ni Ganuelas.

Nakakuha na si Roger Casugay ng mataas na puntos mula sa mga hurado bago mangyari ang insidente at malalamangan niya ang kalabang Indonesian kung hindi sana niya ito binalikan upang tulungan.

Mataas kasi ang alon noong araw na iyon, halos umabot sa sampung talampakan kaya nang makita ni Casugay ang situwasyon ni Arip Nurhidayat ay pinili niyang isantabi ang posibleng pagkapanalo at sinagip ang kalaban.

Ang mga rescue marshalls at personnel ng Coast Guard ay agad sumakay sa kanilang surfboards at jetski upang tulungan si Arip Nurhidayat, pero hindi sila nakalapit dahil sa laki ng alon.

Imahe mula kay Jeffrey Ganuelas

Hiyawan at palakpakan ang sumalubong sa dalawang surfer nang makabalik sila sa pampang sakay ng surfboard ni Casugay. Dahil sa insidente ay ipinagpaliban muna ang men’s longboard open competition for surfing.

Nagpasalamat kay Casugay ang buong surfing team ng Indonesia.

“Thank you to all the Filipinos and also to Roger Casugay. He coming toward our rider and helping each other. They stand up together in one board, that’s what we call we win as one,” anang Indonesian surfing coach na si Arya Subyatko.

Tunay namang nanaig ang “We win as one” na tema ng SEA Games!

Imahe mula kay Jeffrey Ganuelas