Pinoy statement sweatshirts, binebenta sa Amazon UK, US, at Germany

  • Patok ngayon online ang mga Pinoy statement shirts na pang-millennial ang mensahe
  • Tinatalakay nito ang pagdagdag ng timbang, pag-aasawa, at ang paboritong lumpia
  • Ibinebenta na rin ang mga ito sa mga bansang US, UK, at Germany

Dahil magpapasko na, abala na ang lahat sa pamimili ng kani-kanilang pang-porma sa iba’t ibang parties at maging sa simbang gabi. Kaliwa’t kanan na rin ang sale sa mga mall ng mga damit bilang pamasko na rin sa kanilang mga customers.

Upang makapagbigay ng mas bagong style ng damit ngayong Pasko, isang brand ng damit ang gumagawa ng mga statement sweatshirts na mayroong mga nakatatawang mensahe na hinaluan naman ng Christmas feels.

Larawan mula sa Facebook post ni Rose Garcia

Ibinahagi ng netizen na si Rose Garcia sa isang Facebook group ang kakaibang statement sweatshirts ng clothing company na Pinoy Ugly Christmas. Akmang-akma kasi sa mga millennials ang mensahe ng mga sweatshirts nila. Ang iba sa kanilang disenyo ay sagot sa mga madalas na tanong sa mga “pa-titos at pa-titas of Manila” tulad ng “kailan ka mag-aasawa?” Sagot ng isang statement t-shirt, “Mag-aasawa po ako pag gusto ko na po.”

Tila magsasalita na rin ang statement shirt sa mga puna ng tao sa pagdagdag mo ng timbang. Isa kasi sa mga disenyo nila ang imprentang “Kayo rin po tita, tumaba” para nga naman it’s a tie ang labanan sa pagpuna ng timbang.

Siyempre, bilang aminadong lumpia lover ang mga may-ari ng Pinoy Ugly Christmas, mayroon din silang disenyo na patungkol sa lumpia. “I’m just here for the lumpia,” kasama ang illustration ng isang plato ng lumpia bilang design ng sweatshirt.

Kahit na mapang-asar ang mga disenyo ng ilan sa sweatshirts, hindi naman nawawala ang diwa ng Pasko sa mga ito. Napapalamutian pa rin ito ng mga simbolo ng Pasko katulad ng Santa hat, Christmas tree, snowflakes, reindeers, at Christmas bells.

Larawan mula sa Pinoy Ugly Christmas

Ayon kay Garcia, ibinebenta rin ang mga statement sweatshirt sa international e-commerce site na Amazon. Mabibili raw ito sa mga bansang US, UK, at Germany. Sa website ng Pinoy Ugly Christmas, nagkakahalaga ang bawat sweatshirt ng US $39.99 o P2,000.

Maraming netizen naman ang gustong magkaroon ng ganitong statement sweatshirts. May ilan namang naghanap ng t-shirt lang. Ayon naman kay Garcia, available din ang disenyong ito sa ilang t-shirt na ibinebenta ng Pinoy Ugly Christmas.

Papatok rin ba ito sa inyo?