Pasaway! Driver ng SUV na nag-counterflow sa EDSA, pinagpapaliwanag ng LTO

  • Isang SUV ang nag-counterflow sa EDSA
  • Nakunan ng dashcam ang insidente
  • Nag-isyu ng show cause order ang LTO laban sa may-ari ng SUV upang pagpaliwanagin ito

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang isang driver ng sports utility vehicle (SUV) na nag-counterflow sa EDSA noong nakaraang linggo.

Screenshot mula sa video ng Dash Cam Diaries Philippines

Nakunan ng dashcam at ibinahagi sa Dash Cam Diaries Philippines Facebook page ang video ng insidente na agad nag-viral. Ayon sa uploader, nanggaling umano ang SUV na isang Toyota Prado na may plakang LUT-111 sa Dasmariñas Village sa Makati City at nag-counterflow sa EDSA upang marating ang kalapit na gate ng Ecology Village.

Nag-isyu ng show cause order ang LTO laban sa driver ng SUV upang magpaliwanag sa maling ginawa nito.

“May show-cause order na. Counterflow is a reckless violation for us. Pero usually kasi kapag ganyan seldom do we consider yung mga reasons unless, of course, very very valid reasons,” sabi ni LTO officer-in-charge Bob Valera.

“Based on what we saw doon sa video, parang hindi siya- hindi nagmamadali, eh. Parang gusto lang niya pumasok sa isang subdivision or something,” dagdag pa niya.

Posible umanong pagmultahin ng P2,000 ang pasaway na driver.

Babala ng LTO, maaaring makansela ang driver’s license kapag nakagawa ng apat na violations.

“So if you are holder of a non-professional driver’s license, two years revocation. If you are a holder of a professional driver’s license, perpetual revocation. That means, habang buhay hindi ka na makapag-drive,” ani Valera.

Screenshot mula sa video ng Dash Cam Diaries Philippines

Itinakda ang hearing sa ika-17 ng Disyembre, alas-diyes ng umaga. Sakaling hindi sumipot ang may-ari ng SUV na nag-counterflow, padadalhan ulit ito ng show cause order.

Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Makati City Police ay kapwa nagtungo sa LTO upang magsagawa ng imbestigasyon sa pangyayari.

Hindi umano pinapayagan ang counterflow sa EDSA kahit na sa oras ng emergency, ayon sa MMDA.

“Pwede ma-head on ‘yan eh. Kung ikaw ordinaryong motorista alam mo ang EDSA ay paganon lang, biglang may kasalubong ka, paano kung ‘di ko napansin? Ambulansya nga hindi nagka-counterflow sa edsa pa,” pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia.

Kukumpiskahin at susupendihinng tatlong buwan ang lisensya ng sinumang mahuhuling magka-counterflow sa EDSA, sabi pa ng MMDA.

I-c;ick ang larawan upang mapanood ang video: