Pagbabawal sa paggamit ng smartphones at electronic gadgets sa paaralan, iminungkahi

  • Pagbabawal sa paggamit ng mga electronic devices sa loob ng paaralan, isinusulong
  • Iminungkahi ni Rep. Rida Robes na ang mga mag-aaral sa Grade 10 pababa ay hindi papayagang gumamit ng cellphones at electronic gadgets sa loob ng paaralan
  • Sinabi ni Rep. Robes na maraming masasamang epekto sa kalusugan ng kabataan ang labis na paggamit ng mga electronic devices

Isinusulong ng isang mambabatas na ipagbawal sa mga estudyante ng Grade 10 pababa ang paggamit ng smartphone at iba pang electronic gadgets sa loob ng paaralan.

Imahe mula sa RMN

Noong nakaraang linggo ay inihain ni San Jose del Monte City Representative Rida Robes ang House Bill 5542 na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng mobile phone at iba pang electronic devices sa loob ng paaralan, pribado man o pampubliko, sa mga estudyanteng edad 15 pababa.

Ayon sa mambabatas, maraming masasamang epekto ang labis na paggamit ng mga smartphones at iba pang electronic devices lalo na sa mga kabataan.

Sinabi pa ni Rep. Robes na batay sa mga pag-aaral, ang mga kabataan na hinahayaang gumamit ng cellphones at electronic gadgets kahit sa oras ng klase sa paaralan ay nakikitaan ng mga isyu sa psychological, physiological at mental health na nakasasagabal sa kanilang pag-aaral at nagpapahina sa kanilang academic performance.

Makikinabang umano ang education system ng bansa kung maisasabatas ang kaniyang panukala, ani Rep. Robes.

Imahe mula sa Fedena

Aniya, mas humusay ang academic performance ng mga estudyante sa mga bansang mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga mobile phones sa loob ng paaralan.

“In May 2015, the London School of Economics and Political Science published a study which showed that test scores improved significantly at schools that banned mobile phone use. The said study concluded that ‘schools could significantly reduce the education achievement gap by prohibiting mobile phone use in schools’,” anang mambabatas mula sa Bulacan.

Sa ilalim ng panukala, kailangang i-surrender ng mga estudyante ang kanilang mobile phones at electronic gadgets sa school authorities bago pumasok ng klase. Makukuha lang ang mga iyon kapag oras na ng uwian.

Ang mga mag-aaral ay papayagan lang gumamit ng mobile phones kapag emergency, kung kailangang gamitin iyon dahil sa partikular na school lesson at kung ang naturang gadget ay kinakailangan dahil sa kalusugan at kapakanan ng estudyante na may endorsement mula sa isang doktor.

Imahe mula sa Unicef
Source :

Philstar, ABS-CBN