Netizen, ibinahagi ang dati at kasalukuyang larawan ng Arko ng Pagsanjan; nanawagang ipreserba ang kasaysayan

  • Nanawagan ang isang netizen na huwag naman daw sanang wasakin ang mga establisimyentong naging bahagi ng kasaysayan
  • Inihalimbawa niya ang “Arko ng Pagsanjan” sa lalawigan ng Laguna, na pinanatili pa rin sa gitna ng kalsada mula noon hanggang ngayon
  • Itinindig ng mga taga-Pagsanjan ang arko bilang pagpapahayag ng pasasalamat sa kanilang pintakasi na si Sta. Guadalupe

Isa sa mga katibayan o pruweba ng kasaysayan ang iba’t ibang mga establisyimientong naitayo sa nakaraan. Sila ang nagsisilbing “piping saksi” sa lahat ng mahahalagang naganap na naging bahagi ng kalinangan ng bansa. Sa makabagong panahon ngayon, ang ilan sa mga ito ay nagiba na upang bigyang–daan ang ibang establisiimyento sa kasalukuyan.

Kaya naman, isang netizen na nagngangalang “Victor Cancer” ang nanawagan na huwag naman daw sanang wasakin ang mga establisiimyentong naging bahagi ng kasaysayan. Dapat daw ipreserba ang mga ito upang makita pa rin hanggang sa susunod na mga henerasyon.

Batay sa kaniyang Facebook post sa “Memories of Old Manila”, makikita ang dati at kasalukuyang larawan ng “Arko ng Pagsanjan” sa lalawigan ng Laguna.

“Ganyan dapat… yung iba kasi, para lang lumuwag ang daluyan ng sasakyan, gigibain ang kultura… dapat i–preserve tulad nito. Ano na lang isakrisyo yung trapik… mainam nga kapag trapik, may oras para tingnan at mamangha sa estraktura noong araw, di ba?”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Sumang–ayon naman dito ang iba pang netizens.

“Okay at maganda ang naisipan nilang paraan kahit papaano ay makakatulong ito upang makabawas sa trapik.”

“Pwede lagyan ng rotonda diyan. Tama lamang na panatilihin ang mga ganiyang estraktura para naman mapahalagahan ng kabataan ang nakaraan.”

“Dapat i–preserve nila lahat ng historic places natin para makita ng ating kaapu–apuhan ang ganda ng Pilipinas na mula sa ating kanunu–nunuan.”

Ang Arko ng Pagsanjan o Pagsanjan Arch ay kilala rin sa pangalang “Puerto Real” o “Arco Real” na nagsisilbing tarangkahan, bukana, o entrada ng Pagsanjan, Laguna na itinayo pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, taong 1878 hanggang 1880 sa ilalim ng pamamatnubay ng prayleng si Cipriano Bac.

Itinayo ng mga taga Pagsanjan ang arko bilang pagpapahayag ng pasasalamat sa kanilang pintakasi na si Sta. Guadalupe, na nagbigay–proteksyon umano sa kanila laban sa mga bandido noong taong 1877.

Public Domain Image