Nawalang P3,000 naibalik sa may-ari makalipas ang halos 3 taon

  • Perang naiwala sa restaurant, naibalik sa may-ari makalipas ang halos tatlong taon
  • Namangha ang may-ari ng pera na ang naibalik sa kanya ay ang mismong pera na naiwala niya noon
  • Hinintay ng may-ari ng restaurant na muling bumalik ang customer na nawalan ng pera para maibalik iyon

Halos hindi makapaniwala ang isang netizen na naibalik pa sa kanya ang perang naiwala niya sa isang restaurant sa Davao City magtatatlong taon na ang nakalillipas.

Imahe mula kay Cesnee Vizconde Tan

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Cesnee Vizconde Tan ang kanyang pagkamangha na ang perang naiwala niya na nagkakahalaga ng tatlong libong piso sa isang restaurant halos tatlong taon na ang nakararaan ay ang siya mismong pera na ibinalik sa kanya.

Aniya, hinintay daw siya ng may-ari ng restaurant na muling bumalik dahil natagpuan nila ang naiwala niyang pera.

“All this time the owner waited for me dahil nakita daw nila ang 3k na naiwala ko dati,” kuwento ni Tan.

Sa isang panayam sa kanya, ibinahagi ni Tan, isang graduate mula sa Ateneo de Davao University, na matagal na siyang suki ng popular na kainan – ang Pastil Bar-B-Q sa Ponce na mas kilala sa tawag na Pastilan sa Ponce na matatagpuan sa Jacinto St., sa Davao City – kahit noong undergraduate at law school years niya.

Nangyari umano ang insidente sa pagitan ng Enero at Pebrero ng taong 2017. Matapos umano niyang kumain at umalis mula sa Pastilan sa Ponce ay napagtanto niya na nawawala ang tatlong libong piso niya.

Imahe mula sa Inside Davao City

Bumalik daw siya sa restaurant para hanapin ang pera. Nagtanong pa umano siya sa staff ng kainan subalit hindi na iyon nakita.

Muling napadpad si Tan sa paborito niyang restaurant nito lang ika-7 ng Disyembre at bigla raw siyang nilapitan ng may-ari nito na kinilalang si Rosalina Garcia.

Tumayo raw sa harapan niya si Garcia at tinitigan siya bago sinabing: “Tagal mo nang ‘di nakabalik dito Ma’am, noh? ‘Di ba ikaw ‘yung nawalan ng P3,000?”

Dahil sa pangyayari ay sumaya raw ang kanyang araw dahil hindi lang ang pera niya ang kanyang natagpuan kundi maging mga taong tapat at may integridad.

Source :

Facebook, Sunstar