Nakasakay ka na ba sa “padyak” na nasa riles ng tren?

  • Pamilyar ka ba sa padyak o trolleys? 
  • Bumibiyahe ito sa mga riles ng tren sa Kamaynilaan
  • Di hamak na mas matipid itong sakyan kaya marami ang tumatangkilik dito

Likas sa mga Pilipino ang pagiging mapamaraan sa lahat ng bagay upang maipagpatuloy ang pamumuhay. Lahat ay naiisipang mapagkakitaan. Kahit na may kaunting dalang panganib, ito ay susuungin upang mapakain lamang ang pamilya.

Isa na riyan ang pagkakaroon ng “padyak” o trolleys sa mga riles ng tren na kadalasang nagiging opsyon ng ilang mga pasaherong nagmamadali sa kanilang patutunguhan at hindi hamak na mas tipid pa. Itinuturing itong ilegal na paraan ng transportasyon, subalit patuloy itong tinatangkilik ng ilan, lalo na ng mga pasaherong malapit sa riles ng tren.

Kaya naman, pinag–usapan ng netizens ang larawan ng padyak o trolleys na makikita sa Facebook page ng “Memories of Old Manila”, na ibinahagi naman ng isang Facebook user na nagngangalang “Romeo del Carmen”. Ang mga trolleys na ito ay kadalasang ibinibiyahe sa mga riles ng PNR Metro Commuter Line na halos makikita sa bandang Sta. Ana, Maynila.

“Only in the Philippines. Padyak ride on rails.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Narito ang komento ng netizens:

“We are laughing at this, pero palagay ko magandang idea ito kung hindi rin lang napapakinabangan ang riles, bakit ‘di na lang gamitin sa ganitong paraan, tulad ng mga riles sa Mandaluyong, iniiskuwatan na.”

“Modern kariton… faster, cheaper and better for medium distance rides hahaha. Sakay na.”

“Nakasakay na ako diyan sa Pandacan-Sta. Mesa area niyan. 20 pesos per head. Nagtanong ako sa nagtutulak kung paano sila nakakaiwas sa tren. Alam nila ang schedule at magkaiba sa weekends at week days.”

“Kapag inabot kayo ng tren sa gitna ng tulay, sigurado lilipat kayo sa kabila, naranasan ko na yung ganyan. Wala pa namang record na binangga sila ng tren; iyan ang tunay na thriller unlike doon sa mga nakabitin sa ere.”

Ang mga padyak o improvised trolleys na ito ay yari sa light materials na kahoy at kawayan. Naglalagay lamang sila ng malaking payong upang maprotektahan sa sikat at init ng araw, gayundin sa banta ng ulan, ang mga pasahero. Kapag paparating na ang tren, mabilis na binabaklas ng nagmamaneho nito ang padyak. Tumatabi naman ang mga pasahero upang hindi mahagip ng tren.

Public Domain Image

Kung ikaw ang tatanungin, payag ka bang sumakay sa ganito?