Mga pribadong ospital na nanghihingi ng cash deposit sa mga emergency cases, binalaan

  • Mga ospital na naniningil ng cash deposit sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang panggagamot, binalaan ni Sen. Risa Hontiveros
  • Ang babala ng senador ay kasunod ng imbestigasyon ng DOH sa 77 ospital sa Ilocos Region na nanghihingi umano ng cash deposit sa emergency cases
  • Hinikayat ni Sen. Hontiveros ang pubiko na i-report ang mga abusadong ospital

Pinaalalahan ni Senator Risa Hontiveros ang mga pribadong pagamutan na mayroong umiiral na batas laban sa panghihingi ng cash deposit mula sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang panggagamot.

Screenshot mula sa GMA video

“May batas na laban diyan!” pahayag ni Sen. Hontiveros na ang tinutukoy ay ang  Strengthened Anti-Hospital Deposit Law na napirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang Agosto ng taong 2017.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga pagamutan na tatlong beses na lumabag sa nasabing batas ay babawian ng lisensya ng Department of Health (DOH).

Ang naging pahayag ni Senator Hontiveros ay kasunod ng report ng DOH noong nakaraang Biyernes, ika-6 ng Disyembre, na 77 ospital sa Ilocos Region ang iniimbestigahan ng ahensya dahil sa paglabag sa Anti-Hospital Deposit  Law.

“In emergency or serious cases, it shall be unlawful for any proprietor, president, director, manager or any other officer, and/or medical practitioner or employee of a hospital or medical clinic to request, solicit, demand or accept any deposit or any other form of advance payment as a prerequisite for administering basic emergency care,” ayon sa nabanggit na batas na si Senator Hontiveros ang may akda.

Imahe mula sa ANC

Pinuri ni Senator Hontiveros ang DOH sa ginagawa nitong pagpapanagot sa mga ospital na lumalabag sa batas.

“Panatag ang loob ko na hindi pinapalampas ng DOH ang pagiging abusado ng ilang mga ospital. Tandaan po natin, walang katumbas na pera ang buhay ng isang tao. This law exists precisely to protect every Filipino from hospitals that prioritize profit over care,” anang senadora.

Hinikayat ni Senator Hontiveros ang publiko na i-report ang mga abusadong ospital na naniningil ng cash deposit sa emergency cases.