Manila City council idineklarang persona non grata ang grupong Panday Sining

  • Idineklarang persona non grata ng Manila City council ang grupong Panday Sining
  • Ang Panday Sining ang nasa likod ng mga bandalismo sa mga pader sa Maynila
  • Umalma ang Anakbayan sa ginawang deklarasyon laban sa Panday Sining

Sa pamamagitan ng isang social media platform , inanunsiyo ng Manila Public Information Office (PIO) na ipinasa ng Manila City Council ang isang resolusyon na nagdedeklara sa grupong Panday Sining  bilang persona non grata.

Screenshot ng tweet ng Manila PIO

“BREAKING: Manila City Council passes resolution declaring militant group ‘Panday Sining’ as persona non grata in the nation’s capital,” post ng Manila PIO sa Twitter noong Biyernes, ika-6 ng Disyembre.

Ang deklarasyon ay ginawa ng city council, sa pangunguna ni Vice Mayor Honey Lacuna, kasunod ng pakakadakip sa apat na miyembro ng Panday Sining, isang grupo ng mga kabataan na diumano ay “cultural arm” ng Anakbayan group, matapos silang ma-videohan na nagsulat ng bandalismo sa mga poste ng Light Rail Transit noong ika-30 ng Nobyembre.

Nagbigay ng reaksyon sa nasabing resolusyon ang hepe ng Manila Tourism & Cultural Arts Burea na si Charlie Duñgo.

“Bigyan ng pagpapahalaga ang mga kaayusan na ginagawa ng mga kawani ng Lungsod ng Maynila. Magsilbing leksyon sa ating lahat ang pangyayaring ito,” aniya,

Nauna nang binigyan ng babala ni Manila Mayor Isko Moreno na pananagutin sa batas ang Panday Sining sa ginagawa nitong pagdumi sa mga pader sa Lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa MTCAB

Ang nasabing grupo ang nasa likod ng mga bandalismo sa Lagusnilad underpass at sa pader ng Araullo High School.

Umalma naman ang Anakbayan sa ginawang deklarasyon laban sa Panday Sining.

Anito, hindi vandalism ang totoong dahilan ng pagkakadakip sa apat na miyembro ng Panday Singing, kundi ang pagiging aktibista nila na nagsisiwalat ng korapsyon at karahasan sa gobyerno.

Source :

Twitter, Inquirer