Judy Ann Santos, nakamit ang YouTube Gold Play Button dahil sa 1M subscribers ng “Judy Ann’s Kitchen”

  • Judy Ann Santos masayang nakatanggap ng YouTube Gold Play Button
  • Ang YouTube Gold Play Button ay ipinagkakaloob sa mga YouTube accounts na umabot na sa 1 million ang subscribers
  • Ibinahagi ng aktres sa social media ang tagumpay na nakamit ng “Judy Ann’s Kitchen” YouTube channel

Kilig na kilig sa tuwa ang aktres na si Judy Ann Santos sa natanggap na Gold Play Button mula sa popular na video-sharing platform na YouTube matapos umabot sa isang milyong subscribers ang YouTube channel niyang “Judy Ann’s Kitchen.”

Imahe mula sa Instagram page ng Judy Ann’s Kitchen

Sa Instagram page ng “Judy Ann’s Kitchen” ay ibinahagi ng mahusay na aktres ang bago niyang accomplishment.

Sa isang video, sinabi ng aktres na pakiramdam niya ay nanalo siya ng award. May caption ang post niya ng “We are Gold. Thank you to our 1 million+ subscribers.”

“Feeling ko nanalo ako ng award,” aniya sa video noong ika-23 ng Disyembre.

Binati pa ng aktres ang mga YouTube subscribers niya noong araw ng Pasko habang yakap ang YouTube Gold Play Button. “Happy Golden Christmas everyone. Thank you so much,” aniya.

Sa ilang larawan, kasama niyang nag-celebrate sa natanggap ng award mula sa YouTube ang very supportive niyang asawa na si Ryan Agoncillo.

Ang Judy Ann’s Kitchen ay naglalabas ng mga bagong episodes tuwing Sabado ng umaga. Anang aktres na kilala sa tawag na Juday, naipadarama niya ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng kanyang pagluluto.

Imahe mula sa Instagram page ng Judy Ann’s Kitchen

Sinimulan ng aktres ang cooking show niya sa YouTube noong taong 2017. Natanggap niya ang YouTube Silver Play Button nitong Enero ng 2019 nang magkaroon siya ng 100,000 subscribers.

Kamakailan lang, itinanghal si Judy Ann bilang Best Actress sa Cairo International Film Festival sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang “Mindanao” na idinirihe ng batikang movie director na si Brillante Mendoza.

May apat na uri ng play button awards na ipinagkakaloob ang YouTube sa mga successful content creators.

Ang Silver Play Button ay para sa mga umabot ng 100,000 subscribers. Sumunod ang Gold Play Button para sa mayroong 1 million subscribers. Ibinibigay naman ang Diamond Play Button kapag naabot ang 10,000,000 subscribers. Kapag naabot ang 50 million subscribers ay ipagkakaloob ang Custom Play Button.

Ayon sa YouTube, Hindi lang ang bilang o dami ng subscribers ang pamantayan upang mapagkalooban ng play button.

Dapat rin na “in good standing” ang YouTube account, walang paglabag sa copyright, hindi nilabag ang Community Guidelines ng YouTube, sumusunod sa Terms of Service at higit sa lahat dapat ay original ang mga content ng video.

Imahe mula sa Instagram page ng Judy Ann’s Kitchen