Grabe ka sa akin ngayong taon, Lord!” Best Actress Judy Ann Santos, masayang-masaya sa natamong karangalan

  • Ipinahayag ni Judy Ann Santos ang kaniyang labis na kasiyahan sa pagkapanalo bilang Best Actress sa katatapos na Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2019 nitong Disyembre 27, 2019
  • Siya ang bida sa pelikulang “Mindanao” sa direksyon ni Brillante Mendoza
  • Pinasalamatan niya ang Diyos, mga kasama sa pelikula, at ang kaniyang pamilya

Masayang–masaya ang tinaguriang “Queen of Pinoy Teleseryes” na si Judy Ann Santos sa pinakabagong karangalan na kaniyang natamo sa katatapos na Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival na ginanap sa New Frontman Theater sa Cubao, Quezon City nitong Disyembre 27, 2019 ng gabi.

Sa kaniyang Instagram post, ipinahayag ni Juday ang kaniyang kasiyahan dahil sa pagkakahirang bilang Best Actress para sa pelikulang “Mindanao” sa direksyon ni Brillante Mendoza, na itinanghal naman na Best Director. Best Actor naman ang katambal dito ni Juday na si Allen Dizon.

Imahe mula sa Instagram account ni Judy Ann Santos

Punumpuno ng pagpapasalamat ang mensahe ng Instagram post ni Juday. Pinasalamatan niya ang Diyos na naging mabuti sa kaniya at nagbuhos ng maraming pagpapala ngayong 2019. Pinasalamatan din niya ang buong cast at team ng pelikulang Mindanao, lalo na ang kanilang direktor na si Direk Brillante Mendoza.

“Wooohhh!!! Lord! Grabe ka sa akin this year! I am beyond grateful! Maraming maraming salamat sa bumubuo ng MMFF, MMDF sa parangal na ito… to the whole team of Mindanao, congratulations for bagging 11 awards!! Direk… maraming salamat sa pagkakataon na makatrabaho ka… buong buhay kong ipagpapasalamat sa iyo si Saima,” saad ni Juday sa kaniyang caption.

At syempre, inialay din niya ang kaniyang parangal sa kaniyang mag–anak, lalo na sa kaniyang mister na si Ryan Agoncillo na buo ang suporta sa kaniya.

“My love… Ilove you.. thank you for capturing this image… and for being with me this whole time… you and the kids will always be my greatest blessing!”

Imahe mula sa Instagram account | Judy Ann Santos

Nagpaabot naman kaagad ng pagbati ang malalapit na kaibigan sa industriya ng showbiz sa comment section ng kaniyang IG post gaya nina Gladys Reyes, Beth Tamayo, Cheena Crabs, Kakai Bautista, Dominic Roque, Joseph Marco, Heart Evangelista, at Ogie Alcasid. Binati rin siya ng mga katunggali niya sa ibang pelikula tulad nina Miles Ocampo at Iza Calzado.

Nauna na rito, matatandaang pinarangalan din siya bilang Best Actress sa natatanging pagganap sa naturang pelikula sa 41st Cairo International Film Festival. Pagbati sa iyo, Juday!