DILG, inatasan ang PNP na habulin ang lahat ng vandals na naninira ng government properties

  • DILG Secretary Año, inatasan ang PNP na habulin ang mga vandals sa buong bansa
  • Ang direktiba ng DILG ay kasunod ng pagkakahuli sa Panday Sining members na nasa likod ng bandalismo sa Maynila
  • Bilang pagtalima sa direktiba, sinabi ng PNP na paiigtingin nito ang pagtugis sa mga vandals

Nagbigay ng direktiba si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) na habulin ang lahat ng mga vandals sa buong bansa na ipinagwawalang-bahala ang batas at naninira ng ari-arian ng pamahalaan.

Imahe mula sa DILG

Sa isang pahayag, sinabi ni Secretary Año na nararapat lang at naaayon sa batas ang pagdakip sa apat na miyembro ng Panday Sining, ang grupo na nasa likod ng mga bandalismo sa Lungsod ng Maynila.

Noong ika-30 ng Nobyembre, dinampot ng mga pulis ng Manila Police District ang apat na miyembro ng grupo matapos nilang lumahok sa isang pagkilos sa paggunita ng kaarawan ni Andres Bonifacio.

Nakuhanan ng video ang ginawang bandalismo sa mga poste ng Light Rail Transit ng mga kabataang lumahok sa nasabing pagkilos. Ito ay sa kabila ng pakiusap ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na itigil na ng grupo ang bandalismo.

“Nagsusumikap ang gobyerno na magkaroon ng kaayusan at kalinisan pero binababoy nila. They have been repeatedly warned and now they will face the consequences of their actions. Imbes na tumigil, tuloy pa rin sila sa pagsasalaula nila sa kapaligiran. Hindi na sila nakikinig sa awtoridad. Sobra na. Tama na. Tama lang na maturuan sila ng leksyon para magtanda,” mariing pahayag ni Sec. Año.

Imahe mula sa Panday Sining

Bilang tugon sa direktiba ng DILG, sinabi ni PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac na paiigtingin ng kapulisan ang kanilang operasyon laban sa mga vandals.

Sinabi naman ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na hindi lang ang mga awtoridad ang dismayado sa ginagawa ng Panday Sining, kundi maging ang mga mamamayan.

“Even the people are fed up with your antics. Mag-isip-isip na kayo at magbago na habang bata pa kayo. Disiplina muna bago po tayo magreklamo at magprotesta,” ani Malaya.

Imahe mula sa Manila PIO