Bonggang closing ceremony ng 30th SEA Games ipinangako ng PHISGOC

  • PHISGOC, nangako na magiging kasing bongga ng opening ceremony ang closing ceremony ng SEA Games
  • Kabilang sa mga performers sa closing ceremony concert ang Black Eyed Peas at si Arnel Pineda
  • Si Roger Casugay, ang tinaguriang bayaning surfer dahil sa pagligtas sa katunggaling Indonesian, ang flag bearer sa closing ceremony

Katulad ng engrandeng opening ceremony ng 30th Southeast Asian Games, ipinangako ng pamunuan ng Philippine Southeast Asean Games Organizing Committee (PHISGOC) na magiging bongga ang closing ceremony ng biennial meet.

Imahe mula sa Brigada News

Magsasara ang ika-tatlumpung edisyon ng SEA Games sa Miyerkules, December 11.

Sinabi ni PHISGOC Chief Operating Officer na si Ramon “Tats” Suzara na asahang magiging makalaglag-panga rin ang closing ceremony ng palaro.

Ituturing umano bilang isang celebration concert ang gaganaping pagsasara ng SEA Games dahil ang highlight ng programa ay ang pagbibigay ng pasasalamat sa mga personalidad na nasa likod ng matagumpay na pagsasagawa ng SEA Games, gayundin sa mga atletang lumahok, media at sa publiko na nagbigay ng suporta sa ginawang hosting ng Pilipinas sa SEA Games.

Kabilang sa mga magtatanghal sa concert ang  international singer na si Arnel Pineda, ang Pinoy frontman ng American rock band na Journey; at ang American hip hop band na Black Eyed Peas kung saan isa sa mga miyembro nito ay ang Filipino-American na si Allan Pineda Lindo o mas popular sa tawag na Apl.de.ap.

Imahe mula sa Blackeyed Peas

Sinabi pa ni Suzara na sa kabila ng  mga nangyaring aberya bago pa man magsimula ang SEA Games, sa kabuuan ay naging maayos naman ang hosting ng ating bansa sa biennial meet.

Si Roger Casugay, ang Pinoy surfer na itinanghal na bayani matapos niyang sagipin mula sa malalaking alon ang katunggaling Indonesian, ang hinirang na maging flag bearer sa closing ceremony.

Imahe mula sa Facebook account ni Jocelyn Dulay via FastbreakPH
Source :

RMN, Spin