Wow mali: Nakasabit na basahang makulay at hugis bituin ang disensyo, papasa na ring parol?

  • Inakala ng isang netizen na parol ang isang basahang nakasabit sa harap ng isang bahay
  • Makulay kasi ito at may hugis na bituing disenyo 
  • Hindi naman siya nag-iisa dahil maraming netizen din ang nagkamali raw sa unang tingin

Isa sa mga hudyat na malapit na ang Kapaskuhan ay ang makukulay na dekorasyon. Ang mga kilalang establisimyento tulad ng mga mall at opisina ay naglalaan ng budget at panahon para lagyan ng iba’t ibang palamuti ang kanilang lugar. Maging ang mga bahay ay nilalagyan din ng mga parol at Christmas lights kahit hindi bago.

Larawan mula sa Facebook account ni Rocky C. Cancio

Kaya naman ang isang netizen ay hindi na nakapagtatakang na-wow mali dahil sa isang basahan na nakasabit sa harap ng isang bahay. Dahil malapit na ang Pasko, inakala niyang isang parol ang basahang makulay at may bituin na disenyo.

Ibinahagi ng netizen na si Rocky C. Cancio sa kanyang Facebook post ang larawan ng isang makulay na basahang nakasabit sa isang bahay. Dahil nakalagay ito sa harap ng gate at mayroong bituin na disenyo, aakalain talaga sa unang tingin na isa itong parol.

Sakto ang kulay ng parol sa kulay ng Pasko na pula at berde, na mayroong kaunting itim at kulay abo na tela. Nakadagdag pa sa palamuti ang mga sipit na kulay pula at berde rin na nagsisilbing pangkapit ng basahan sa hanger.

“Merry Christmas sa lahat. Kala ko talaga parol eh. Haha,” pagbati at biro ni Cancio sa kanyang post na may 4,200 reactions na karamihan ay ‘haha’ at 7,300 shares.

Hindi nag-iisa si Cancio na nagkamali sa basahan. Inakala din ng maraming netizens na nag-share ng larawan na parol ang basahan. In fairness, puwede rin naman pala itong palamuti basta malinis ano?

Larawan mula sa Flickr

Nagbiro naman ang iba na kung wala pa raw parol ang kanilang mga kakilala ay ang basahan na may katulad na disensyo na lang ang kanilang ilagay.

Ang iba naman ay nais daw gumawa ng basahang may makulay na disenyo dahil daw magiging mabenta ito. Dalawa raw kasi ang magiging gamit nito kung sakali. Maaaring gawing basahan at maaari ding maging palamuti para sa Pasko.