Sampung Aspin, bumida sa wedding entourage ng kanilang mga amo

  • Bahagi ng isang wedding entourage ang sampung cute na cute na mga asong Pinoy o Aspin
  • Kabilang sila sa pagdiriwang ng pag-iisang dibdib ng dalawang taong umampon at nag-alaga sa kanila
  • Ayon sa dog rescuers na sina Mariz at June, parang mga anak na nila ang kanilang mga aso kaya hindi puwedeng mawala ang mga ito sa araw ng kanilang kasal

Pamilya na kung ituring ng dog rescuers at bagong kasal na sina Mariz at June ang kanilang mga alagang aso. Kaya naman sa araw ng kanilang kasal, pinili nila na isama ang mga ito pati na sa mismong sandali ng paglalakad nila sa altar.

Imahe mula sa Facebook page ng ASPIN – Ako Sayo’y Palaging Iibig Ng tunay at tapat – Filipino Dogs

Bumida ang kanilang sampung cute na cute na asong Pinoy o mas kilala sa tawag na Aspin sa araw ng kanilang kasal sa simbahan noong October 26.

Ayon kay Mariz, hindi makukumpleto ang espesyal na araw na iyon kung wala ang kanilang mga alaga.

“Sila talaga ang kukumpleto sa espesyal na araw namin. Kasi nga di ba, parte sila ng pamilya namin,” ani Mariz sa kanilang Facebook page na ASPIN – Ako Sayo’y Palaging Iibig Ng tunay at tapat – Filipino Dogs.

Dagdag niya, “Sila yung isang dahilan kung bakit mas tumatag ang aming relasyon. Oo mga aso lang sila sa paningin ng iba pero sa amin pamilya namin sila kaya dapat kasama sila. Oo aso sila pero marami kaming natututunan sa kanila.”

Isa umano sa kanilang mga natutunan mula sa kanilang mga minamahal na alaga ay ang ibig sabihin ng mga salitang “true love” at “loyalty.”

Labis naman ang kanilang kasiyahan dahil naganap ang kanilang pag-iisang dibdib kabilang ang kanilang mga aso.

Imahe mula sa Facebook page ng ASPIN – Ako Sayo’y Palaging Iibig Ng tunay at tapat – Filipino Dogs

Ibinalita rin ni Mariz ang pagkupkop nilang mag-asawa sa isang aso na nagpabibo sa kanilang kasal. Matapos ampunin ay pinangalanan nila itong “Buddy.”

Sa kabuuan ay mayroon na silang 20 rescued at adopted na mga asong Pinoy.

Source :

Facebook, Youtube, GMA