Palasyo pag-aaralan ang panukalang 4-day workweek para ibsan ang trapiko sa Metro Manila

  • Four-day workweek ipinanukala na ipatupad sa holiday season para mabawasan ang trapiko sa Metro Manila
  • Pag-aaralan ng Malacañang ang panukala ni House Minority leader Benny Abante, Jr
  • Sabi ni Rep. Abante ang mga government agencies na malapit sa EDSA ay dapat magpatupad ng compressed workweek sabi ni Rep. Abante

Inaasahan na sa nalalapit na holiday season ay mas titindi pa ang mabigat na trapiko na nararanasan sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila, partikular na sa EDSA.

Screenshot mula sa video ng ANC

Sa layuning maiwasan ang mas malalang trapiko sa Metro Manila sa kapaskuhan, ipinanukala ni House Minority Leader Benny Abante, Jr. na magpatupad ng 4-day workweek para sa mga workers sa non-frontline offices ng pamahalaan o iyong walang kinalaman sa pagresponde sa mga emergency at hindi direktang nagbibigay ng serbisyo sa publiko.

“I appeal to Malacañang to also study the implementation of a 4-day workweek for non-frontline offices of national government agencies. In the past, the Civil Service Commission has issued guidelines for its adoption but rather than make it optional I suggest that the Palace consider the feasibility of doing this during the Holiday Season,” pahayag ni Rep. Abante.

Sabi ni Abante, ang mga ahensya ng pamahalaan na malapit o nasa EDSA tulad ng Philippine Overseas Employment Administration, Social Security System at Bureau of Internal Revenue, ay maaring magpatupad ng compressed workweek.

Binanggit ng mambabatas na tagumpay na nagawa ng kumpanyang Microsoft sa isang subsidiary nito sa Japan ang 4-day workweek na nagresulta sa mas masayang workers at pagtaas ng productivity nila ng hanggang 40 percent.

Imahe mula sa Office of the Presidential Spokesperson

Sinabi ng Malacañang na pag-aaaralan ang mungkahi ni Rep. Abante.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hihinta­yin muna ng Malacañang ang rekomendasyon mula sa iba’t ibang  ahensya ng pamahalaan kabilang na ang Department of Labor and Employment dahil malaking factor ang kapakanan ng mga manggagawa.

Nagpahayag naman ng agam-agam sa panukala si Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate na posibleng mabawasan ang kinikita ng mga manggagawa na arawan ang suweldo.

Iminungkahi naman ng grupong Kilusang Mayo Uno na gawing pantay-pantay ang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa upang hindi na dumagsa sa Metro Manila ang mga mangagawa na naghahanap ng mas malaking suweldo.

Imahe mula sa Abante