Nike ipinasilip ang sneakers na idinisenyo para sa mga doktor, nurse, iba pang medical workers

  • Bagong Nike sneakers idinisenyo para sa mga medical workers
  • Sa pagdisenyo ng sneakers, isinaalang-alang ng Nike ang mga hamon na kinahaharap ng medical workers sa ospital
  • Sa December 7 na ilalabas ang Air Zoom Pulse sneakers

Ipinasilip ng Nike ang bago nitong sneakers na idinisenyo hindi para sa mga atleta gaya ng basketball o tennis players kundi sa mga “everyday heroes” – ang mga doktor, nurse at iba pang medical workers na walang kapagurang nagbibigay ng suporta sa mga pasyente

Imahe mula sa Nike

Nagtungo ang Nike sa OHSU Doernbecher Children’s Hospital sa Portland, Oregon upang mapag-aralan ang mga hamon na kinahaharap ng mga nasa nabanggit na propesyon katulad ng mahabang oras ng pagtayo, naliligwakan ng likido at ang kinakailangang ginhawa sa long shifts.

Sa pagtungo sa ospital, nalaman ng mga nagdisenyo ng Air Zoom Pulse ang araw-araw na hirap ng mga health workers.

Katulad na lang ng mga nurses na sa loob ng 12-hour shift ay nakapaglalakad sila ng katumbas ng hanggang limang milya at wala pang isang oras ang ginugugol sa pag-upo. Talaga raw na nakakapagod ang trabaho nila.

Idinisenyo ang Air Zoom Pulse na walang sintas para madaling isuot at hubarin. Madali rin itong linisin. Ang “fit, cushioning at traction system” ng bagong Nike sneakers ay sabay-sabay na gumagana upang mapangalagaan ang paa sa anumang kundisyon sa ospital.

Kayang suportahan ng Air Zoom Pulse ang paa ng medical workers kahit sa matagalang pagtayo at mabilisang paglakad na kinakailangan kapag may emergency situation.

Imahe mula sa Nike

Ito ay dahil sa full-rubber outsole, flexible drop-in midsole na mayroong Zoom Air heel unit at secure heel fit. Coated ang toe box ng sneakers para sa spill protection.

“The coated toe box protects against any type of spill,” pahayag ng Nike.

Sa buwan ng Disyembre na ilalabas ng Nike ang anim na bersyon ng Air Zoom Pulse. Ang lahat ng kikitain sa bagong sapatos ay ido-donate sa OHSU Doernbecher Children’s Hospital.

Imahe mula sa Nike
Source :

Nike, Remate