Mayor Isko humingi ng tips kay Sen. Lacson tungkol sa law enforcement at police operations

  • Mayor Isko kinonsulta si Sen. Ping Lacson tungkol sa police operations at law enforcement
  • Isa sa mga payo na ibinigay ng senador ay magtatag ng “highly-trained” police task force na magsasagawa ng intelligence at counter-intelligence operations sa Maynila
  • Inamin ni Mayor Isko na marami siyang natutuhan mula kay Sen. Lacson

Sa gitna ng ginagawa niyang pagpapatupad ng good governance sa Lungsod ng Maynila, humingi ng ilang payo si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso mula kay Senator Panfilo “Ping” Lacson kung paano matitigil ang pangongotong at korapsyon sa hanay ng pulisya sa lungsod.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Isko Moreno

Nagkita ang dalawa noong Biyernes, ika-8 ng Nobyembre, kung saan sinabi ni Mayor Isko na marami siyang natutunan mula sa senador tungkol sa law enforcement at police operations.

Inamin ng alkalde na iginagalang niya at hinahangaan ang senador na dati na ring nagsilbi bilang hepe ng Philippine National Police.

“Maraming salamat po kay Senator Ping Lacson na aking lubos na iginagalang at hinahangaan. Marami po akong natutunan sa inyo ngayong gabi tungkol sa police operation, anti-kotong, effective law enforcement, and anti-criminality campaign na tiyak na pakikinabangan ng mga taga Maynila. Thank you po, Senator. Mabuhay po kayo!” post ng alkalde sa Facebook.

Ayon sa chief of staff ng alkalde na si Cesar Chavez, isa sa mga payo na ibinigay ng senador ay ang magtatag ng isang “highly-trained” police task force na magsasagawa ng intelligence at counter-intelligence operations sa Maynila.

“The mayor was receptive and thankful for the recommendations,” ani Chavez.

Imahe mula sa Manila PIO

Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Senator Lacson binigyan niya ng ideya si Mayor Isko tungkol sa “disciplinary mechanisms” sa ilalim ng Philippine National Police Law na maaari niyang gamitin sa mga pasaway na pulis.

“Sa kanya naman, isang problema ang internal cleansing… tapos paano matitigil ang kotong. Siyempre nakikipag-ano siya sa vendors and drivers… nariyan pa rin, may nangongotong na pulis. ‘Yan din, binigyan ko siya how to go about it. May tips ako binigay sa kanya how to handle it,” anang senador.

Isiniwalat pa ng senador na nagpalitan sila ng cellphone number ng alkalde upang madali siyang konsultahin through text message kung kinakailangan.