Mag-asawang matanda na nakatira lang sa tent, nananawagan sa dalawang anak na hindi na raw nagpaparamdam

  • Mapapanood sa YouTube video ni Archie Hilario ang kuwento ng dalawang matanda na nakatira sa tent
  • Sa kabila ng kalagayan, ang mga anak pa rin ang iniisip ng dalawang matanda
  • Hindi na raw kasi nagparamdam ang dalawang anak na lumuwas sa Maynila

Isang nakaaantig na video ang inupload ng mamamahayag na si Archie Hilario sa kanyang YouTube account. Kuwento ito ng mag-asawang matanda na nakatira sa napakaliit na tent lamang. Ngunit sa kabila ng kanilang kalagayan, ang mga anak na nagpunta sa Maynila na hindi na raw nagpaparamdam ang naiisip nila.

Pinuntahan ni Hilario ang mag-asawa sa kanilang maliit na tent na nagsisilbi nilang tahanan sa Linabuan Norte, Kalibo, Aklan. Ipinasilip ng dalawang matanda ang loob ng kanilang tahanan kung saan na rin sila nagluluto at natutulog. Gawa sa pinagtagpi-tagping trapal lamang ang kanilang tent na tinutukuran ng kahoy. Sa hitsura nito ay mukhang hindi ito makatatagal sa malalakas na ulan.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Archie Hilario

Sa isang kalapit na poso raw sila kumukuha ng tubig na panglinis at panglaba ng damit habang sa isang anak naman nila sila kumukuha ng inumin. Inaaruga naman daw sila ng kanilang isang anak na nasa Aklan din ngunit kapos din umano ito kaya kung walang kita, ay wala rin silang makakaing mag-asawa. Kasalukuyan daw itong nakatira sa amo niya kung saan ito nagtatrabaho.

Inilahad ng naluluhang matandang babae na nahihiya rin umano sila sa kanilang sitwasyon dahil hindi na sa kanila ang lupa na kinatitirikan ng kanilang tent, at wala rin daw silang maayos na kagamitan sa bahay.

Tatlo raw ang buhay na anak ng mag-asawa. Gayunman, lumuwas daw sa Maynila ang dalawa upang doon magtrabaho. Pero matagal na raw na walang komunikasyon ang dalawang matanda sa kanilang dalawang anak. Wala raw silang ideya kung saan nakatira ang mga ito o kung nasa maayos bang kalagayan ang dalawang anak.

Ayon sa matandang babae, hindi naman daw masama ang loob nila sa dalawang anak. Baka raw kasi iniisip ng mga ito na may tampo ang mga magulang dahil hindi sila nakapagpapadala ng pera. Pero ayon sa dalawang matanda, hindi naman daw nila habol ang padala. Sulat lamang at malamang maayos ang kalagayan nila ay masaya na sila.

Larawan mula sa YouTube video ni Archie Hilario

“Hindi naman sumasama ang loob ko sa kanila. Bakit naman nila kami ginanito? Ni hindi kami pinadadalhan, kahit sulat lang. Kahit padalhan nila kami ng sulat lang masaya na ako,” sabi ng inang nangungulila sa mga anak.

Ayon naman kay Hilario, nagdala na ng tulong para sa dalawang matanda ang kanyang team. Harinawa ay makarating ito sa kanilang dalawang anak.