Lalaking maintenance personnel ng mall, tinulungan ang isang ginang na buhatin ang kanyang kahon ng paninda

  • Trending sa social media ang isang trabahador ng mall na tumulong sa isang ginang na may mabigat na bagahe
  • Binuhat daw ng lalaki ang kahon ng paninda ng babae hanggang sa makapasok sa mall
  • Laking tuwa ng babae sa naitulong ng lalaki sa kanya kaya naman minarapat niyang i-post sa social media ang kanyang pasasalamat

Sa panahon ngayon na napakaraming negatibong balita ang lumalaganap, kahit mga simpleng aksyon ng pagmamalasakit at pagtulong sa kapuwa ay lubos na hinahangaan ng marami, lalo na sa social media. Nagsisilbing inspirasyon ang kagandahang loob ng ilang Pilipino upang gumawa ng mabuti para sa kanilang kapuwa, gaano man ito kasimple.

Larawan mula sa Facebook post ni Joana Marie Fernandez Veluz

Ito ang dahilan kung bakit trending sa social media ang pagtulong ng isang maintenance personnel ng isang mall sa Lucena City, Quezon Province sa isang ginang at anak nito. Binuhat daw ng lalaki ang kanyang malaking kahon ng paninda papasok ng mall.

Kuwento ng netizen na si Joana Marie Fernandez Veluz sa kanyang Facebook post na ibinahagi rin ng page na Tara Na sa Lalawigan ng Quezon, dahil daw gusto ng anak niya na bumili ng donut, pumasok sila sa SM City Lucena kahit may dala siyang malaking kahon ng kanyang mga paninda.

Nakita raw ng maintenance personnel ng mall na halos hindi na niya mabuhat ang kahon at itinutulak na lamang niya ito, kaya nagmagandang loob na ito na buhatin hanggang makarating sila sa tindahan ng donut. Makikita sa larawan na may hawak pa ngang mop ang lalaki na tumulong kay Veluz.

“Dahil sa kagustuhan ng anak ko ng donut, napilitan kaming pumasok ng SM kahit super bigat ng dala ko galing sa pag-pickup ng order. Nakita ni Kuya na itinutulak ko na lang ang box na dala ko, kinuha niya at tinulungan ako,” pahayag ni Veluz sa kanyang post.

Larawan mula sa Facebook post ni Joana Marie Fernandez Veluz

Hindi na raw naitanong ng babae ang pangalan ng maintenance personnel pero nakuhanan niya ito ng larawan habang dala ang kanyang mga paninda. Gayunman, kahit hindi niya nalaman ang pagkakakilanlan nito, pinasalamatan niya pa rin ang lalaki maging sa kanyang Facebook post.

“Di ko na natanong name niya at pa-simple ko na lang siyang na-pic. May mabubuting kalooban pa rin talaga. Thank you sa’yo Kuya,” pasasalamat ni Veluz.

Maraming netizen naman ang humanga sa pagtulong ng lalaki kay Veluz lalo na sa page ng Tara Na sa Lalawigan ng Quezon kung saan umabot na sa higit 1,300 reactions ang post. Ayon sa kanila, pagpapalain ng Maykapal ang lalaki dahil sa pagmamalasakit na taglay nito.

“God bless kuya. Lalo kang pagpapalain dahil sa ginawa mo. Happy ang employer mo sa iyo, panigurado,” pahayag ng isang netizen.