Kai Sotto, kinumpirmang maglalaro siya sa isang team sa Atlanta ng isang season

  • Nagdesisyon na si Kai Sotto na maglaro sa isang Atlanta-based team
  • Committed na raw si Sotto sa The Skill Factory kung saan nag-train din noon si James Harden
  • Isang season pa lang daw ang nakatakdang ilaro ni Sotto sa nasabing koponan

Kinumpirma ng dating Ateneo de Manila University (ADMU) standout at UAAP Juniors basketball most valuable player na si Kai Sotto na maglalaro siya sa isang team sa Atlanta, United States sa pamamagitan ng kanyang vlog.

Nakatakdang maglaro para sa The Skill Factory (TSF) na base sa Atlanta ang 7-foot-2 na si Kai. Isang malaking oportunidad para kay Kai na maglaro para sa TSF dahil minsan nang naging kabilang sa programa ng nasabing basketball team ang NBA players na sina James Harden at John Wall.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Sa isang 1:48 video sa vlog ni Sotto, pormal niyang sinabi ang kanyang commitment sa TSF; kasabay ang pasalalamat sa kanyang mga naging coach at tagasuporta sa kanyang naging karera dito sa Pilipinas, lalo na sa UAAP Juniors.

“This is Kai Sotto and I just want to announce that this upcoming season, I will be joining The Skill Factory and national team. I would like to thank everybody. I would like to thank my family…” pahayag ni Sotto sa kanyang vlog.

Ayon sa official social media pages ng The Skill Factory, ang kanilang organisasyon ay naglalayong hasain ang husay ng mga kabataan sa mga larong volleyball at basketball sa iba’t ibang uri ng antas. Sa paglahok ni Sotto sa TSF, lalaban sila sa iba’t ibang torneo sa United States at ibang international leagues.

Opisyal na ring inanunsiyo ng TSF sa pamamagitan ng isang Instagram video ang pagsali ni Sotto sa kanilang koponan. Makikita sa video ang ilang highlights ng kanyang training kasama ang Atlanta-based team.

Larawan mula sa YouTube video ni Kai Sotto

Bago gawin ang anunsiyo, ilang buwan na ring nasa Atlanta ang 17 anyos na si Kai upang magsanay. Ngunit kahit abala sa kanyang training abroad, nagawa pa rin ni Sotto na lumahok sa Under-19 category ng 2019 FIBA World Cup sa Spain noong Hulyo.

Ilan daw sa sasalihang liga ng TSF kasama si Sotto ang Global JAM Gran Canaria na gaganapin sa Spain ngayong Disyembre. Masaya naman ang fans ni Sotto na natutupad na niya ang kanyang pangarap na makapaglaro sa iba pang international leagues.