Hollow blocks dapat idaan sa mandatory quality checks – Pangulong Duterte

  • Hollow blocks na ginagamit sa konstruksyon pinasisiguro ni Pangulong Duterte na mataas ang kalidad
  • Ipinag-utos ni Pangulong Duterte na isama ng hollow blocks sa mga construction materials na isasailalim sa mandatory quality checks
  • Ang utos ng Pangulo ay kasunod ng mga mapaminsalang pagyanig na naganap sa Mindanao

Sa gitna ng sunud-sunod na malalakas na pagyanig sa Mindanao na nagdulot ng malaking pinsala sa maraming istruktura, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang hollow blocks sa listahan ng mga construction materials na isinasailalim sa compulsory quality checks na ginagawa ng Department of Trade and Industry (DTI).

Imahe mula sa Abante

Sinabi ng DTI na noong nakaraang Cabinet meeting ay inilahad ng Pangulo ang kanyang alalahanin sa kalidad ng hollow blocks at iba pang materyales na ginagamit sa mga konstruksyon, lalung-lalo na ang mga gawa ng maliliit na suppliers.

Ipinag-utos din ng Pangulo sa lahat ng local government units at mga private contractors na siguruhin na ang ginagamit nilang construction materials ay pasado sa quality standards.

Ang mga contractors na gumagamit ng mababang kalidad ng materyales at hindi sumusunod sa specifications ng Building Code at structural design ay tatanggalan ng lisensya. Ang mga contractor para sa mga government projects na madidikubreng gumamit ng mga materyales na hindi sertipikado ay hindi babayaran at agad tatapusin ang kontrata.

“The quality of any building structure depends not only on the product standards, but also on the quality of the construction job, particularly on adherence to approved structural design and the Building Code, required steel density, cement mixtures, among others,” pahayag ni DTI Sec. Ramon Lopez.

Screenshot mula sa ANC video

Kabilang ang semento, bakal, pako at salamin (ang inclusion ng salamin sa listahan ay kasalukuyan pang nasa ilalim ng court injunction) sa mandatory certification list ng DTI. Pinag-aaralan din ng ahensya na isama sa listahan ang plywood, roofing at ceramic tiles.