Ethel Booba, itinanghal na Tawag ng Tanghalan Celebrity Champion ng It’s Showtime

  • Itinanghal na grand winner ng Tawag ng Tanghalan: Celebrity Champions si Ethel Booba
  • Nakalaban niya sa final 3 sina Jason Hernandez at Roxanne Barcelo
  • Nag-uwi siya ng P300,000, recording contract, at iba pang papremyo

Matapos ang isang buwang pasikatan ng mga celebrity singers sa entablado ng It’s Showtime, nahanap na ang unang Tawag ng Tanghalan: Celebrity Champion grand winner sa katauhan ng komedyante at social media personality na si Ethel Booba.

Naglaban-laban ang pitong grand finalist na kinabibilangan nina Brenan Espartinez, Thor Dulay, Apple Chiu, Roxanne Barcelo, Booba, at Jason Fernandez. Bawat isa ay nagbigay ng kani-kanilang pangmalakasang awitin na hinusgahan ng mga celebrity hurado sa pangunguna ng composer na si Louie Ocampo.

Larawan mula sa Tawag ng Tanghalan Facebook page

Sa pinagsamang boto ng mga hurado at madlang people’s text votes, nakilala ang top 3 contenders sa katauhan nina Booba, Fernandez, at Barcelo. Nagpasiklaban ang tatlo sa kanilang final piece. Inawit ni Fernandez ang kanyang bersyon ng Next In Line ng After Image. Ipinanlaban naman ni Barcelo ang kanyang rendisyon ng Gary Valenciano classic na How Did You Know, habang isang Nonoy Zuñiga song na I’ll Never Say Goodbye naman ang kinanta ni Booba.

Muling nagbigay ng score ang mga hurado at bumoto ang madlang people. Bandang huli, itinanghal na grand champion si Booba na nagtala ng 39.82 percent. Dikit naman ang labanan nila ni Fernandez na nagtala ng 36.79 percent habang si Barcelo naman ay may 23.39 percent.

Matatandaang noong pagsalang ni Booba sa unang round ng grand finals ay sinabi niya na muntik na siyang umatras sa laban dahil nawalan siya ng boses. Mayroon naman daw wildcard round at doon na lamang siya kakanta.

Larawan mula sa Tawag ng Tanghalan Facebook page

Naging tanyag si Booba nang manalo siya sa isang karaoke singing competition na Sing Galing. Nagkaroon siya ng big break sa GMA Network noon bilang host ng Extra Challenge at kalaunan ay naging isang freelance artist. Muli siyang napansin bilang isang social media personality dahil sa kanyang mga nakatutuwang tweets na naging libro pa.

Nag-uwi si Booba ng P300,000 tax free, recording contract mula sa TNT Music, isang tropeo, at pares ng customized in-ear monitors.